Nang-holdap sa feed mill, naaresto makaraang naaksidente habang papatakas
- Published on February 21, 2025
- by Peoples Balita
ARESTADO ang isang motorcyle rider na nagholdap sa isang bodega ng feeds makaraang sumemplang ang minamanehong motorsiko habang papatakas sa Rosario, Batangas Martes ng umaga.
Nasa kustodiya na ng Rosario Municipal Police Station ang suspek na si Alyas Mayo.
Sa ulat, nagpanggap umanong customer ang suspek at pumasok sa Nathaniel Feed Mill sa. Brgy Maligaya, Rosario Batangas bandang alas-7:45 kamakalawa ng umaga.
Pumasok ang suspek sa opisina ng biktima na si alyas Nelia, naglabas ng patalim, nagdeklara ng holdap at tinangay ang cash na P66,000.00.
Matapos matangay ang pera, tumakas ito sakay ng kanyang kulay pulang motorsiklo na Motorstar subalit naaksidente nang sumemplang ang kanyang motorsiklo.
Sa isinagawang hot pursuit operation ng Batangas police, nalaman nila na ang naaksidente ay ang holdaper kaya naaresto ito sa mahal na Virgen Maria Hospital sa Brgy Namnuga, Rosario, Cavite at narekober ang P66,000.00 cash, isang kitchen knife at motorsiklong ginamit. (Gene Adsuara)