• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 9:36 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Nanawagan sa madlang pipol na magkita-kita: VICE GANDA, ‘di palalampasin na makiisa sa mass rally sa Luneta

HINDI palalampasin dahil makikiisa ang Phenomenal Box-office Star na si Vice Ganda sa ‘Baha sa Luneta: Aksyon Na Laban sa Korapsyon!’ rally sa Linggo, September 21.
Sa kanyang Instagram story, matapang na nanawagan si Vice sa madlang pipol na ito na ang tamang panahon para ipakita ang pagmamahal para sa bansa.
“Magkita-kita tayo sa Luneta sa Linggo. Oras na para wakasan ang kagarapalan ng mga hayop na magnanakaw sa gobyerno,” ayon TV host-comedian.
Inaasahan din ang pagdalo ng iba pang celebrities at personalidad sa naturang kilos-protesta sa Luneta at EDSA People Power Monument.
Naglalayon ito na kalampagin ang mga mandarambong na politiko at mga korap na opisyal at government contractors na sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Matatandaang ilang ulit nang nagsalita si Vice tungkol sa matinding korapsyon sa bansa.
Ikinumpara pa niya kung paano tratuhin ng lipunan ang mayayaman at mahihirap.
“‘Yung mga nahuhuling tindera, ‘yung mga sidewalk vendors, kapag nahuhuli ‘yan, kinukumpiska, minsan sinisira ang paninda, ‘di ba? Kinukulong. Hindi ko rin malaman paano ko sasabihin.
“Paano natin susuportahan ‘yun kasi hindi siya legal sa usaping legal. ‘Di ba hindi legal ang pwesto ninyo? Paano natin sasabihin na okay lang ‘yan, tama lang ‘yan? ‘Di ba? Kawawa, ‘di ba?” pananaw ni Vice.
“Sinisira ang gamit, kinukulong, eh kung tutuusin maliit lang ‘yun. ‘Yung malalaking mga krimen ang ginagawa, hindi naman natin nakikitang nakukulong.”
Sa ‘Laro Laro Pick’ segment ng ‘It’s Showtime’, naisingit din ni Vice ang kanyang saloobin.
Ayon sa kanya, “tingnan mo yung taong nagtatrabaho ng marangal, nahihiya pa.
“Pero yung mga ilegal ngayon, ang tatapang!  
“Tapos proud, post-post di ba? Pa-interview, ‘ay ang dami naming sasakyan’, ‘yung walang takot na maimbestigahan, ilegal pa yun ha?” natatawang kuwento ni Vice.
Tiyak na babantayan ang mga kaganapan sa mass rally sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas, at ipanalangin natin na maging mapayapa at matagumpay.
***
MTRCB, katuwang ng pampubliko at pribadong sektor sa pagprotekta sa kabataan at kababaihan
LUMAHOK si Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairpersonat CEO Lala Sotto sa 11th Manila International Dialogue Technical Working Group on Anti-OSAEC Meeting nitong Miyerkules, Setyembre 17, na ginanap sa Department of Justice sa Maynila.
Tinalakay sa pulong ang pagbuo ng mga estratehiya at hakbang para labanan ang Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) at Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM).
Sa isang breakout session, ibinahagi ni Sotto ang mandato ng MTRCB sa ilalim ng Presidential Decree No. 1986 at binigyang-diin ang isinusulong ng Ahensiya na maprotektahan hindi lang ang mga kabataang Pilipino kundi maging ang kababaihan, sa pamamagitan ng kampanyang Responsableng Panonood.
Layunin nitong palakasin ang kamalayan at pang-unawa ng publiko sa responsableng pagkonsumo ng media, gayundin ang mahalagang papel ng mga magulang at nakatatanda sa tamang pagpili ng angkop na palabas para sa mga bata.
Dumalo rin sa pulong ang mga kinatawan mula sa Council for the Welfare of Children (CWC), Philippine National Police (PNP), Department of Justice (DOJ), mga kumpanyang pangtelekomunikasyon tulad ng Globe, PLDT at Smart. Mayroon din mula sa U.S. Department of Homeland Security, U.S. Embassy at Australian Embassy.
Tiniyak ni Sotto na nananatili ang dedikasyon ng Board na maturuan ang pamilyang Pilipino sa responsableng pagkonsumo ng media para maprotektahan ang mga bata at babaeng Pilipino laban sa anumang uri ng pang-aabuso.
“Ang pagprotekta sa mga kababaihan at bata laban sa mga pang-aabuso online ay nangangailangan ng pagkakaisa. Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa ating lokal at internasyonal na organisasyon, patuloy na maninindigan ang MTRCB sa tungkulin nitong isulong ang responsableng panonood at sa aming layunin na pangalagaan ang interes ng mga babae at batang Pilipino laban sa pang-aabuso,” sabi ni Sotto.
Patuloy rin na iniaayon ng Board ang mga inisyatiba nito sa mga pambansa at pandaigdigang programa, upang matiyak na ang mga manonood, lalo na ang kabataan at kababaihang Pilipino, ay mananatiling protektado, may sapat na kaalaman, at may kakayahang pumili ng angkop na panoorin.
(ROHN ROMULO)