Nakiusap na alamin muna ang pangyayari bago manghusga…IVANA, tumulong na nga sa mga binaha pero na-bash pa (ni: ROMMEL GONZALES)
- Published on September 4, 2026
- by Francis Paolo Torres
MINSAN talaga, tumulong ka na nga, nalait ka pa.
Ganyan ang nangyari sa sikat na aktres at content creator na si Ivana Alawi na alaga ni Perry Lansigan ng PPL Entertainment, Inc. kung saan ang publicist ay ang MTRCB Board Member/showbiz reporter at kumare namin na si Rose Garcia.
Na-bash kasi si Ivana na nagmagandang-loob na nga na mamigay ng ayuda sa mga binaha sa pananalasa ng Habagat sa bansa.
Bakit daw sa mismong gitna ng baha na hanggang binti namahagi ng relief goods at pera si Ivana at hindi sa mga evacuation center?
Ipinaliwanag naman ni Ivana kung bakit…
“Sana alamin niyo din kung bakit nandoon sa gitna ng baha ang truck natin, nasiraan ito at hindi na makaandar ng bandang hapon.
“Kaya habang sinusubukan naming ayusin para lumipat sa ibang area, may mga biglang pumila at nag-stop din kung saan tumirik.”
Saad pa ni Ivana, nagpabalik-balik na nga sila sa nasirang truck para hakutin ng kung ilang beses ang relief goods na ipinamigay nila sa mga nasalanta ng baha.
Pakiusap pa ni Ivana, bago raw sana mam-bash o manghusga ang ilan ay alamin at intindihin muna ang buong pangyayari at sitwasyon bago manghusga.