• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Nakikita kasi na mahal na mahal nila ang isa’t-isa… ANDRE, hinding-hindi tututol sakaling magpapakasal sina AIKO at ONEMIG

HINDING-HINDI raw tututol si Andre Yllana kung magpapakasal ang kanyang mommy na si Aiko Melendez sa bago nitong boyfriend na si Onemig Bondoc, dahil botong-boto siya.
Ayon pa sa naging pahayag ng Viva Artists Agency (VAA) talent nang matanong sa relasyon nina Aiko at Onemig…
“Parang dalaga si mommy ngayon. She is really happy. Pa-out-of-town lang nang pa-out-of-town.
“Nakikita ko sila, mapapa-‘sana all’ ka na lang. Happy talaga sila and masaya rin ako for them dahil nararamdaman ko namang mahal talaga nila ang isa’t isa,” pahayag pa ng anak ni Jomari Yllana kay Aiko.
Pag-amin pa niya ‘pag nakikitang super sweet ang mag-dyowa, “Aminin ko, minsan cringe ako, pag nagti-TikTok sila, but this must be love!”
Payag na payag nga siya kung sakaling magdesisyon na silang magpakasal.
“Go! Maging masaya ka, mommy. Unspoken na ever since dati, kapag gusto niya ulit, basta mahal mo at masaya, go!
“Dati sinasabi niya sapat na kami sa kanya. Pag hindi naman siya pagpalain, nandito lang kami palagi, Ma,” pahayag pa ng aktor.
Samantala, masayang-masaya si Andre at labis ang pasasalamat sa big bosses ng Viva Entertainment sa muli niyang pinapirma ng kontrata.
Mula sa success ng first two seasons ng “Ang Mutya ng Section E” (2025-2026) and the thriller-mystery drama series “Hell University” (2026), mas dumami pa ang supporters ni Andre sa Viva One streaming platform.
Ang iba pa niyang nagawa ang horror film na ‘Pasahero’ (2024), ang drama series ng TV5 na ‘Lumuhod Ka Sa Lupa’ (2024-2025), na nagpakita ng pagiging versatile actor niya.
Nakasama rin siya sa ‘The Seniors’ (2022), ‘Expensive Candy’ (2023), ‘The Rain in España’ (2023), at ‘Safe Skies, Archer’ (2023-2024).
At sa bago niyang kontrata sa VAA, handang-handa na siya sa bagong hamon sa pag-arte at ma-establish na isa sa sought-after young actors ng Viva.
***
7 Pelikula, lusot sa mahigpit na pagsusuri ng MTRCB

KASAMA ang “Songs for Selina,” isang Filipino musical drama, sa bagong hanay ng mga pelikulang pinayagang ipalabas ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ngayong linggo matapos itong bigyan ng R-18 rating.
Ang pelikula, na pinagbibidahan nina Rachel Alejandro, Mica Javier, Jay R at Rachel Coates, ay tumatalakay sa mas mabibigat na tema gamit ang musika at drama kaya ito binigyan ng R-18 classification.
Ang R-18 ay nangangahulugang para lamang ito sa mga nasa hustong gulang at maaaring maglaman ng matitinding tema, wika, karahasan, sex, kahubaran, horror o paggamit ng droga na hindi angkop sa mga wala pang 18 taong gulang, ayon kay MTRCB Chairperson at Chief Executive Officer Lala Sotto.
Iba’t ibang genre ang tampok sa lineup ngayong linggo—mula drama, science fiction, horror, animation hanggang fantasy.
Kabilang sa mga lokal na pelikula ang “The Graduation Day,” na pinagbibidahan Nina Jeric Gonzales, Elizabeth Oropesa at Simon Ibarra, na nakakuha ng PG o Parental Guidance rating.
Ang PG rating ay nangangahulugang may ilang sensitibong elemento ang pelikula ngunit maaari pa ring panoorin ng mas batang audience basta may gabay ng magulang o nakatatanda, paliwanag ni Chairperson Sotto.
Sa mga international releases, kabilang ang science fiction film na “Project Hail Mary” na pinagbibidahan ni Ryan Gosling, na binigyan ng PG rating dahil sa action-driven na kwento. Gayundin ang biographical sports drama na “Giant,” na tampok sina Pierce Brosnan at Amir El-Masry, na PG din ang rating.
Patok pa rin ang horror sa lineup. Ang “Mudborn,” na tampok sina Cecilia Choi at Yo Yang, at “Mortuary Assistant,” na pinagbibidahan ni Willa Holland, ay parehong nakakuha ng R-16 rating dahil sa matitinding eksena at nakakagulat na imahe.
Ang R-16 ay nangangahulugang maaaring maglaman ang pelikula ng mas mabibigat na tema, karahasan o nakaaalarmang eksena na hindi angkop sa mga wala pang 16 taong gulang.
Samantala, ang anime na “Gintama on Theatre 2D: Shinsen-Gumi Doukan Arc” ay binigyan ng PG rating kaya maaari itong panoorin ng mas batang audience basta may gabay ng magulang.
Para sa special screenings mula Marso 20 hanggang 22, ipapalabas sa sinehan ang extended edition ng “The Lord of the Rings: The Return of the King,” na pinagbibidahan nina Elijah Wood, Ian McKellen, Viggo Mortensen, Liv Tyler at Orlando Bloom. Ito ay may PG rating dahil sa mga eksena ng fantasy violence.
May sneak preview rin ng “Ready or Not 2: Here I Come,” isang horror-comedy na pinagbibidahan Nina Shawn Hatosy, Samara Weaving at Sarah Michelle Gellar, na binigyan ng R-16 rating dahil sa karahasan, suspense at dark humor.

(ROHN ROMULO)