• April 8, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Nagtulak ng e-trike na may sakay na pasyente… Babaeng traffic enforcer, inatake sa puso, dedo

DEDBOL ang isang babaeng traffic enforcer na tumulong sa paghahatid sa ospital ng isang pasyente matapos mapagod sa pagtulak sa tumirik na e-trike sa Malabon City, Biyernes ng hapon.
Ayon kay Ret. Col. Rey Medina, Jr. hepe ng Malabon City Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO), nagsasa-ayos ng daloy ng trapiko sa kanto ng LeoƱo Street at Rizal Avenue, Brgy. Tanong Poblacion si T/E Janet Respicio, 48, residente ng Bayan-bayanan, nang humingi sa kanya ng tulong ang e-trike driver na maghahatid ng pasyente sa Ospital ng Malabon.(Osmal) dakong alas-3:10 ng hapon.
Tumirik umano ang e-trike nang ma-lobat kaya’t humingi ng tulong ang driver para makakuha ng ambulansiyang maghahatid sa pasyente.
Dahil matatagalan pa ang pagdating ng ambulansiya, nagpasiya si Respicio na itulak ang e-trike patungong Osmal sa F. Sevilla St. sa likod ng Malabon City Hall subalit nang malapit na sa naturang pagamutan, napansin ng isa pang traffic enforcer sa lugar na si T/F Evelyn Encenarial ang paninikip ng dibdib ng biktima at dumadaing na nahihirapang huminga.
Kaaagad silang kumuha ng wheelchair sa pagamutan aT isinakay dito si Respicio subalit napansin na nila na naninigas at naihi na suot na uniporme ang traffic enforcer hanggang bawian ng buhay sa emergency room ng naturang ospital.
Sinabi ni Col. Medina na irerekomenda niya kay Mayor Jeannie Sandoval na mabigyan ng posthumous commendation ang nasawing traffic enforcer dahil sa ipinakitang pagmamalasakit hindi lang sa kanyang trabaho kundi sa serbisyo sa kapuwa. (Richard Mesa)