Nagtamo ng head injury dahil sa aksidente: Pamilya ni JAN, humihingi ng dasal at tulong pinansyal
- Published on February 21, 2023
- by @peoplesbalita
NANAWAGAN ng tulong ang pamilya ni Starstruck Season 4 Avenger Jan Manual matapos maaksidente sa kanyang kotse ang aktor at magtamo ng head injury.
Kinuwento ng misis ni Jan na si Jamey Manual na patungo sila ng ospital para pabakunahan ang kanilang dalawang buwang gulang na sanggol. Pero habang nakapreno ang kotse, umarangkada ito sa pababang bahagi ng daan. Sinubukang daw pigilan ni Jan ang kotse dahil hindi gumagana ang handbrake, ngunit naipit siya nang bumangga ito sa poste.
“Swerte talaga na walang galos ‘yung baby ko na hawak-hawak ko, yakap-yakap ko. Tapos nakita ko na lang si Jan na bumangga na sa poste ‘yung kotse, sumisigaw siya tapos duguan na po siya,” paglahad ni Jamey sa nangyari.
Inoperahan na si Jan pero patuloy na inoobserbahan ito sa ospital.
Dagdag ni Jamey: “Chineck kung merong tama sa pinaka-brain. Thank God kasi nag-undergo lang siya ng minor surgery. Lumobo ang cheeks niya kasi nga po ang lakas ng tama dito. Tapos maga ‘yung right ear niya.”
Kaya humihingi sila ng mga dasal at tulong pinansyal dahil sa mga kailangang pang procedure ni Jan.
“Prayers po and of course, ‘yung love natin kay Jan, ‘yun po ang mahalaga na tulong talaga,” pakiusap ni Jamey.
Ka-batch ni Jan Manual sa StarStruck Season 4 ay sina Kris Bernal, Aljur Abrenica, Martin Escudero, Jewel Mische, Rich Asuncion, Prince Stefan at Paulo Avelino.
Naging cast si Jan noon ng Bubble Gang at nakilala siya sa paggaya kay Pambansang Kamao Manny Pacquiao. Huli siyang napanood sa teleserye na Kapag Nahati Ang Puso noong 2018 bago siya nag-fulltime sa pag-serve sa kanilang church.
(RUEL J. MENDOZA)