Nagsasagawa rin ng sariling imbestigasyon ang Committee on Dangerous Drugs sa insidente na kinasangkutan ni Mayo
- Published on April 14, 2023
- by @peoplesbalita
SUPORTADO ng isang mambabatas ang pahayag ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr., na may malawakang pagtatangka para pagtakpan umano sa pagkakaaresto kay dating Police Master Sergeant Rodolfo Mayo dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga.
Ayon kay Surigao Del Norte Rep. Robert Ace Barbers, nagsasagawa rin ng sariling imbestigasyon ang Committee on Dangerous Drugs sa insidente na kinasangkutan ni Mayo at iba pang matataas na opisyal.
May mga nakalap aniya silang mga ebidensiya, testimonya at dokumento at authentic CCTV footages na nagpapakita sa katotohanan at tunay na istorya sa likod ng mga insidente naipinakakalat ng ilang scalawags.
“Indeed there is much truth of a massive attempt to exonerate Sgt. Mayo and other personalities involved in the raid and/or connected to him. Soon these pieces of evidence will unravel and reveal the real story,” ani Barbers.
Sinabi pa ni Barbers na sa kabila na batid naman ng mga mambabatas na hindi sila maaring mag-prosecute ay may kapangyarihan naman ang mga ito na i-endorso sa korte at mga kinauukulang ahensiya ang resulta ng kanilang ikinasang pagdinig.
Pinuri naman nito ang paninindigan ni Abalos na linisin ang hanay ng pambansang pulisya kasabay ng pagtitiyak na susuportahan ng kamara ang mga hakbangin ng kalihim para masiguro ang kaligtasan at proteksyon ng mga Pilipino.
Si Mayo na inaresto dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga, kasunod ito ng ikinasang drug raid ng mga otoridad noong October 2022 sa tanggapan ng isang lending company sa Maynila na pag-aari ng dating opisyal. (Ara Romero)