Naglabas ng patalim, scavenger binoga ng kagawad sa Malabon
- Published on June 23, 2025
- by @peoplesbalita
ARESTADO ang isang barangay kagawad matapos barilin ang 39-anyos na scavenger na kanyang nakaalitan sa lansangan makaraang maglabas ito ng patalim sa Malabon City.
Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong suspek na si alyas “Justine”, 36, Kagawad ng Brgy. Ibaba at residente ng C. Arellano St. habang isinugod naman ang biktimang si alyas “Ferdie’, ng Consuelo St. Brgy. Acacia sa Tondo Medical Center para magamot ang tinamong tama ng bala sa kaliwang hita.
Sa ulat ni Col. Baybayan kay P/BGen. Arnold Abad, bagong upong Director ng Northern Police District (NPD), nagpapatrulya si alyas Justine, dakong alas-2 ng madaling araw, sakay ng kanyang motorsiklo, sa Tiangco St.. Brgy., Ibaba nang maharangan siya ng biktima.
Bumaba ng motorsiklo ang kagawad at sinabihan ang biktima na huwag humarang sa daan subalit, sa halip na tumabi ay itinulak at sinigawan pa umano siya nito bago bumunot ng patalim.
Sinabi ni ‘Justine’ sa pulisya na dahil nakaramdam siya ng panganib sa kanyang buhay kaya binunot niya ang dalang baril at pinaputukan sa hita ang biktima.
Nakumpiska ng pulisya sa Kagawad ang isang kalibre .9mm CZ pistol na kargado ng tatlong bala sa magazine na napag-alamang lisensiyado sa pangalan ng suspek subalit, wala pa ang pino-prosesong permit to carry outside residence. (Richard Mesa)