• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Nag-viral na reckless driver sa Valenzuela, isinuko sa pulisya

MAKARAANG mag-viral sa social media ang walang habas na pagpapalit-palit ng linya habang binabaybay ang maliit na kalsada ng minamanehong trailer truck at inuunahan ang ibang mga sasakyan na nakakasabay nito, isinuko sa pulisya ng may-ari ng trucking company ang kanilang driver sa Valenzuela City.

Sa ulat, nangyari ang insidente noong Huwebes ng gabi, Enero 15, sa Sapang Bakaw St. Lawang Bato na naglagay sa panganib sa buhay ng mga pedestrians at tatlong motocycle riders na muntik ng masagi.

Nang makarating kay Mayor Wes Gatchalian ang pangyayari, kaagad niyang inatasan si P/ Col. Joseph Talento, hepe ng Valenzuela police na hanapin ang driver ng trailer truck.

Paliwanag ng driver na si alyas “Nelson”, 41, kay Mayor Gatchalian na nais umano niyang makauwi agad dahil may sakit ang kanyang asawa, na hindi tinanggap ng alkalde dahil inilagay naman niya sa panganib ang buhay ng mga indibiduwal sa dinaanang makitid na kalye.

Sinabi ni Mayor Wes na nakipag-ugnayan na sila sa Land Transportation Office (LTO) na kaagad naglabas ng Show Cause Order para isuko ng driver ang kanyang lisensiya matapos patawan ng 90-araw na suspensiyon, habang inilagay na rin sa alarm status ang trailer truck.

“Hindi po namin tino-tolerate ang mga ganitong kaskasero at bastos na driver sa aming lansangan. Valenzuela City is the home of 15,000 industries, warehouses, and commercial establishments. This is the reason why we are very strict and we put order talaga sa aming mga lansangan. Dahil alam po naming kami ay dinadaanan ng maraming trucks of various sizes dito sa aming lungsod, kaya po mas strict pa kami [sa batas trapiko],” ani Mayor Wes.

Inirekomenda naman ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ang temporary closure and suspension ng mga operasyon ng trucking companies na employer ng driver para sa pagsulong ng imbestigasyon.

Hinimok naman ni Mayor Wes ang tatlong rider na magsampa ng kaso laban sa driver at bahala aniya ang lokal na pamahalaan na sagutin ang legal na tulong habang inalok niya ang kompanya na isailalim ang lahat ng kanilang empleyado ng drug testing na sasagutin din ng pamahalaang lungsod.

Pinaalalahanan din niya ang mga Trucking Services Company na maging mabusisi sa mga empleyadong kanilang tinatanggap upang hindi na maulit pa ang ganitong insidente ng kapabayaan. (Richard Mesa)