Nag-field trip, 6 anyos na batang lalaki, nalunod patay
- Published on February 21, 2025
- by Peoples Balita
PATAY ang isang 6-anyos na batang lalaki nang nalunod sa 3 pulgadang lalim ng pool makaraang nahulog sa isang resort sa Dolores, Quezon Martes ng hapon.
Naisugod pa sa San Pablo Medical Center ang biktima na si Ken, isang estudyante ng Brgy West Rembo, Taguig City subalit idineklarang dead on arrival.
Sa ulat, bandang ala-1:30 kamakalawa ng hapon nang naganap ang insidente sa FARMKO Resort and Hotel na matatagpuan sa Brgy. San Mateo Dolores, Quezon kung saan nagtungo ang pamilya ng biktima at mga guro bilang bahagi ng kanilang field trip.
Matapos mananghalian, naligo umano ang tatay ng biktima at iniwan ito ang bata nang aksidenteng nahulog sa 3 pulgadang lalim na pool at tuluy-tuloy na nalunod.
Unang binigyan ng Cardio Pulmonary Resuscitation (CPR) ng mga staff ng resort subalit hindi umubra kaya isinugod sa ospital subalit hindi na umabot ng buhay. (Gene Adsuara)