• March 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Naaktuhang nagsa-shabu… 2 KELOT, MAGBA-BAGONG TAON SA SELDA SA VALENZUELA

SA loob na ng selda magdiriwang ng Bagong Taon ang dalawang lalaki matapos mahuli sa akto ng pulisya na sumisinghot umano ng shabu sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento ang mga suspek na sina alyas “Erwin”, 30, at alyas “Kervin”, 22, kapawa ng Morning Ville, Brgy., Canumay West.
Batay sa ulat, nakatanggap ng SMS complaint mula sa isang concerned citizen Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Sherwin Dascil na sangkot umano sa illegal drug activities ang mga suspek.
Kaagad nagdispatch si Lt. Dascil ng kanyang mga tauhan sa nasabing lugar at naaktuhan ng mga ito ang mga suspek na sumisinghot umano ng shabu sa loob ng kanilang bahay dakong 1:00 ng madaling araw.
Hindi na nakapalag ang mga suspek nang dambahin ng mga tauhan ni Lt. Dascil at nasamsam sa kanila ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang unsealed plastic sachet na may bahid ng umano’y shabu at drug paraphernalias.
Ayon kay SDEU investigator PSSg Cris Paul Collo, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang arresting team sa kanilang kasipagan at propesyonalismo na binigyang-diin ang matibay na pangako ay nagpapalakas ng tiwala ng publiko at nakakatulong sa epektibong pag-iwas sa krimen. Hinimok din niya ang mga tauhan ng NPD na panatilihin ang antas ng pagganap at patuloy na maglingkod sa komunidad nang may kahusayan. (Richard Mesa)