Na di umano’y humihirit ng ‘kickbacks’ mula sa flood control projects… Malakanyang, hinikayat ang mga Discaya na patunayan, maglabas ng pruweba sa ginawang ‘namedropping’ sa mga mambabatas at opisyal ng gobyerno
- Published on September 10, 2025
- by @peoplesbalita

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na suportado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang ‘full investigation’ subalit hindi ang walang basehang akusasyon.
“Ang gusto naman talaga ng Pangulo ay malawakang imbestigasyon at malaman natin ang katotohanan. Ang ayaw lang naman ng Pangulo ay kung magna-namedrop nang walang ebidensya,” ayon kay Castro sa press briefing sa Cambodia, kung saan ang Pangulo ay nasa kanyang three-day state visit.
Binigyang diin ni Castro na kung mapatutunayan ng mga ‘credible witnesses’ ang di umano’y pakaka-ugnay ng ilang mambabatas at lokal na opisyal sa mga maanomalyang proyekto, tatanggapin ng Pangulo ang ebidensiya para sa posibleng pagsama sa kaso na isasampa.
Aniya pa, bukas ang Malakanyang na bigyan ng proteksyon ang
Discaya couple, na nauna nang ipinahihiwatig na maging state witnesses.
“Kailangan naman po talagang mabigyan [ng protection] ang mga witnesses na talagang may kinalaman sa mga facts and data about this; kailangan po talaga ng proteksyon at hindi naman po ‘yan ipagkakait ng pamahalaan,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, nagbabala naman si Castro laban sa ‘selective revelations,’ naunang tinukoy ni Sarah Discaya na ang kanilang flood control contracts ay nagsimula noong in 2016.
“Pero sana nga po, ang gusto nating madinig sa lahat ay ‘yung kabuuang kwento. Baka kasi nagiging selective lang sila,” ani Castro.
Samantala, ikinanta naman ng mga Discayas, iniugnay sa ilang blacklisted contractors, na nagkaroon sila ng ‘dealings’ sa mga influential politicians at government officials sa Senate inquiry ukol sa flood control project anomalies.
Sa katunayan, pinangalanan ng mga ito ang mga mambabatas at opisya na di umano’y humihingi ng “kickbacks.” ( Daris Jose)