Muling pagbangon ng salt industry, isinulong
- Published on October 31, 2022
- by @peoplesbalita
KASUNOD na rin ng panawagang suporta para sa industriya ng asin sa bansa, isinulong ng isang mambabatas ang panukalang muling magpapabangon dito sa pamamagitan ng pagbuo ng isang ahensiya na siyang magbubuo ng mga hakbang para sa modernisasyon at proteksyon ng naturang industriya.
Nakapaloob ito sa House Bill No. 5676 o Philippine Salt Industry Development ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee na magbubuo sa Philippine Salt Industry Development Task Force.
Ang nasabing ahensiya ay magiging responsable sa pagbuo at pagpapatupad ng Philippine Salt Industry Development Roadmap na magsisilbing gabay sa development, expansion, at protection ng lokal na salt production industry.
Kabilang dito ang mga programa, proyekto at interventions para sa development and management, research, processing, utilization, business development, at commercialization ng Philippine salt.
“This bill seeks to lessen our reliance on imports by providing our local salt stakeholders with ample support and protection so they can develop. We recognize that this is a long-term task, that is why we need a roadmap that will take us step by step through the years. But we have to start now,” ani Lee.
Kabilang sa tungkulin ng task force ay ang koordinasyon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Climate Change Commission (CCC) ukol sa mga programa na magbibigay proteksyon sa lugar na pinagkukunan ng asin at mga coastlines.
Isinusulong din ng panukala ang promosyon ng alternatibong pamamaraan at techniques ng salt farming upang makagawa ng asin sa buong taon kahit na paiba-iba ang panahon.
Sinabi ni Lee na batay sa datos ng Philippine Chamber of Agriculture and Food, Inc. (Pcafi), 93% ng pangangailangan asin ng Pilipinas ay imported, kung saan nag-iimport ang bansa ng nasa 550,000 metric tons taon-taon na nagkakahalaga ng $303 million sa nakalipas na 11 taon.
“This is a great tragedy because we are an archipelago with one of the longest shorelines in the world, yet we rely on other countries for an ingredient that is deeply ingrained in our life,” pahayag pa nito. (Ara Romero)