Muling mararamdaman ang magic at chemistry… BELA at CARLO, magbabalik-tambalan sa ‘A Special Memory’
- Published on February 23, 2026
- by @peoplesbalita
MAAARING kumupas ang mga aalala, pero ang tunay na pag-ibig, hindi nakakalimot, ito ang uri ng pagmamahal na isasabuhay sa ‘A Special Memory.’
Inihahandog ng Viva Films ang romance-drama na ito mula sa blockbuster director na si Jerry Lopez Sineneng at sa screenplay ng Pambansang Alagad ng Sining Ricky Lee, na pinagbibidahan nina Bela Padilla at Carlo Aquino.
Isang Philippine adaptation ng kilalang Japanese series na ‘Pure Soul’. Ang ‘A Special Memory’ ay isang kwento kung paano nanatili ang pagmamahal sa kabila ng mga pagsubok sa buhay.
Bibida si Bela Padilla bilang Sandra, isang fashion designer na pilit kinakalimutan ang heartbreak mula sa kanyang nakaraang relasyon. Habang sinusubukan niyang muling buuin ang kanyang buhay, makikilala niya si Dindo, na ginagampanan ni Carlo Aquino, isang construction foreman sa kumpanya ng kanyang pamilya.
Mula sa isang simpleng koneksyon, unti-unting mabubuo ang pag-iibigan nina Sandra at Dindo at magdedesisyon silang magsama sa iisang bahay. Ngunit, susubukin sila ng tadhana nang matuklasan ni Sandra na siya ay may early onset- Alzheimer’s disease. Dahil sa takot na maging pabigat, lalayo si Sandra at ipapasok ang sarili sa isang nursing home.
Nasaktan man sa naging desisyon ni Sandra ay igagalang ito ni Dindo. Mananatiling matatag ang pag-ibig niya para sa minamahal. Bibisitahin niya si Sandra at paulit-ulit na ipapakilala ang sarili sa pag-asang kahit saglit ay muli siya nitong maaalala.
Panoorin ang pag-ibig na patuloy na kumakapit sa kabila ng kumukupas na alaala, at ituturo sa atin na ang pagmamahal na wagas ay hindi kailanman mawawala sa puso.
Mula sa kanilang unang pagsasama sa ‘Meet Me in St. Gallen’ (2018), muling magtatambal sina Bela at Carlo sa ‘A Special Memory,’ kung saan mararamdaman muli ng mga manonood ang kanilang minahal na magic at chemistry.
Kilala sa kanyang relatable performances sa romance-drama, muling haharap si Bela sa isang papel na magpapakita ng kanyang emotional range. Si Carlo naman, na matagal nang hinahangaan sa kanyang pagiging versatile, ay muling magdadala ng lalim sa kanyang karakter.
Makakasama nina Bela at Carlo ang isang kahanga-hangang ensemble cast na kinabibilangan nina Lotlot de Leon, Joel Torre, Yayo Aguila, Jaime Fabregas, Phoebe Walker, at Paolo Gumabao, na pawang magdadagdag ng puso at damdamin sa pelikula.
Punung-puno ng emosyon, pagmamahal, at pag-asa, ipapaalala ng ‘A Special Memory’ na ang mga hindi malilimutang koneksyon ay mananatili sa atin magpakailanman.
Mapapanood na sa mga sinehan sa buong bansa simula March 11, 2026. (ROHN ROMULO)