• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Moderno, dekalidad na healthcare services matatanggap ng Navoteños

INAASAHANG makakatanggap na ang mga Navoteño ng mas moderno at dekalidad na healthcare services, kasunod ng paglagda sa isang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas at Okada Foundation, Inc. (OFI) para sa donasyon ng P130 milyong halaga ng medical equipment sa Navotas City Hospital (NCH).

Ang MOA ay nilagdaan ni Vice Mayor Tito Sanchez, na kumakatawan kay Mayor John Rey Tiangco, at Okada Foundation President James Lorenzana na sinaksihan nina Congressman Toby Tiangco at OFI Trustee Mitsukazu Nakata.

“Everyone deserves the same standard of care, whether they are in a private or public hospital. This donation from Okada Foundation will allow us to fast-track projects that enhance public healthcare through modern medical technology,” ani Tiangco.

“We are thankful to the Okada Foundation for believing in our vision to provide Navoteños with reliable, advanced medical care. This donation will further elevate the quality of care we provide,” dagdag niya.

Kinilala rin ni Tiangco ang kanyang asawa na si Michelle Tiangco, sa pagsisimula nito sa mga talakayan sa OFI na humantong sa donasyon.

Ang donasyon ay inaasahang mapapalaki ang kapasidad ng Navotas City Hospital, ang una at tanging pampublikong ospital ng lungsod, na binuksan noong 2015.

Ang NCH ay kasalukuyang may 120-bed capacity, kabilang ang 15 intensive care unit (ICU) beds. Mayroon itong sariling yunit ng hemodialysis, departamento ng radiology, at seksyon ng laboratoryo at patolohiya na nag-aalok ng mga serbisyo ng hematology, microbiology, blood chemistry, immunology, at serology.

Sinisikap din ng ospital na ma-secure ang Level 2 accreditation nito mula sa Department of Health (DOH), na magbibigay-daan dito na mag-alok ng mas espesyal na serbisyo at makapaglingkod sa mas maraming pasyente.

Nagpahayag din si Tiangco ng pag-asa na ang pakikipagtulungan sa Okada Foundation ay magbibigay inspirasyon sa mga katulad na partnership sa buong bansa.

“As public servants, it is our duty to pursue initiatives and collaborations that expand access to quality healthcare. We welcome more partners who share our commitment to putting the welfare of our people first,” aniya. (Richard Mesa)