• April 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mister na wanted sa Valenzuela, nasilo sa Nueva Vizcaya

TIMBOG ang isang lalaki na wanted sa kaso ng sexual assault at acts of lasciviousness sa Valenzuela City nang matunton ng tumutugis na mga pulis sa kanyang pinagtataguan sa Nueva Vizcaya, Sabado ng umaga.
Ayon kay Valenzuela police chief P/Col Joseph Talento, ang 45-anyos na akusado ay nakatala bilang No. 10 sa Top Ten Most Wanted Person sa Northern Police District (NPD) at Valenzuela CPS kaugnay sa kasong Sexual Assault in relation to R.A. 7610 at Acts of Lasciviousness.
Dahil dito, ipinag-utos ni Col. Talento sa kanyang mga tauhan ang malawakang pagtugis sa akusado hanggang sa makatanggap sila ng impormasyon na nagtatago ito sa Nueva Vizcaya.
Dakong alas-8:30 ng umaga nang tuluyang makorner ng pinagsamang mga operatiba ng Station Intelligence Section at Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela CPS ang akusado sa Aburdo Street, Barangay Poblacion, Aritao, Nueva Vizcaya.
Hindi na nakapalag ang akusado nang bitbitin ng mga tauhan ni Col. Talento sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong November 27, 2025 ng Regional Trial Court (RTC) Branch 270, Valenzuela City, para sa paglabag sa Sexual Assault in relation to R.A. 7610 at Acts of Lasciviousness na may inirekonendang piyansa na P180,000.
Pinuri naman ni NPD District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang Valenzuela CPS para sa kanilang kasipagan at propesyonalismo na binigyang-diin ang matibay nilang pangako ay nagpapalakas ng tiwala ng publiko. Hinimok din niya ang mga tauhan na panatilihin ang antas ng pagganap at patuloy na maglingkod sa komunidad nang may kahusayan. (Richard Mesa)