• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mister na wanted sa homicide sa Valenzuela, isinelda  

LAGLAG sa selda ang 40-anyos na mister na wanted sa kasong homicide matapos maaresto ng pulisya sa pinaigting na operation laban sa mga wanted na puganti sa Valenzuela City.

          Sa ulat ni Valenzuela Police OIC chief P/Col. Gerson Bisayas kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, ang akusado ay kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person sa Valenzuela CPS.

          Nang makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela CPS na naispatan ang presensya ng akusado sa kanilang lugar sa Brgy. Malinta, agad ikinasa ng mga ito ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya dakong alas-10:40 ng gabi.

          Maayos naman umanong sumama ang akusado nang isilbi sa kanya ng mga tauhan ni Col. Bisayas ang arrest warrant na inisyu ng Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Branch 282, para sa kasong Homicide (Article 249 of the Revised Penal Code).

          Matapos nito, dinala ang akusado sa Valenzuela City Health Department para sa medical examination bago tinurnover sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela CPS kung saan siya pansamantalang ipiniit habang hinhintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman.

          Pinuri naman ni NPD Director Gen. Protacio ang operating team para sa kanilang mabilis at mapagpasyang aksyon na nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto sa isa sa mga most wanted na puganti sa lugar.

“This arrest is a testament to our unwavering commitment to justice, public safety, and the rule of law. We will not stop until every wanted criminal is held accountable,” pahayag niya. (Richard Mesa)