• February 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Minamadaling pagpapasa ng anti-dynasty bills, ‘magandang senyales’- Malakanyang

PARA sa Malakanyang, magandang senyales ang ginagawang pagsisikap ng dalawang Kapulungan ng Kongreso na kaagad na maipasa ang matagal nang hinihintay na anti-dynasty bill.
“Maganda pong senyales iyan kung kanila po itong minamadali dahil iyan din po ang nais ng Pangulo,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
“So, hintayin po natin kung gaano po magiging kabilis ang pagtatrabaho po ng ating Kongreso at para maisumite nila ang binalangkas na bill para sa Pangulo at para maaral po ito,” dagdag na wika nito.
Nauna rito, nagpahayag ang liderato ng Kongreso na ipapasa nito ang Anti-Political Dynasty measure sa 20th Congress.
Ito’y matapos na magsagawa ang Kongreso ng Mindanao leg ng kanilang pagdinig at public consultations, araw ng Biyernes, Pebrero 20 habang ang Senado ay nagsagawa ng consultative meetings ukol sa anti-political dynasty bills matapos amgdaos ng kanilang pang-lima at panghuli sa Mindanao, araw ng Huwebes.
At nang tanungin naman si Castro kung babanggitin ng Pangulo ang usapin hinggil sa anti-dynasty sa State of the Nation Address ng Chief Executive sa Hulyo, ang tugon ni Castro ay “Hindi natin masasabi sa ngayon, mahirap mangako.” (Daris Jose)