Mga sandbag sa nasirang dike bumigay, ilang lugar sa Navotas muling binaha
- Published on June 30, 2025
- by @peoplesbalita
MULING tumaas ang tubig baha na dala ng high tide sa ilang lugar sa Navotas City nang bumigay nitong Linggo ng umaga ang mga inilagay na sandbag sa nasirang dike sa Celeste St. Brgy. San Jose noong Sabado ng bago magtanghali.
Dahil dito, muling iniutos ni Mayor John Rey Tiangco ang pagpapalikas sa mga pamilyang labis na maaapektuhan ng paglalim ng baha na dala ng high tide dakong ala-1:07 Linggo ng hapon.
Sabado ng hapon nang magsagawa ng rescue operations ang Navotas Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), katuwang ang BFP-Navotas, PNP-Navotas, fire volunteers, SCAN International, at mga boy scouts sa mga apektadong pamilya sa ilang lugar sa lungsod, partikular sa Brgy. San Jose matapos umabot ng hanggang leeg ang lalim ng baha bunga ng pagkasira ang dike pasado alas-11 ng umaga.
Umabot sa 22 pamilyang inilikas ang pansamantalang nanuluyan sa Navotas Elementary School 1 habang walong pamilya ang dinala sa Barangay Hall kung saan sila binigyan ng pagkain, kumot, hygiene kits at iba pang pangunahing pangangailangan.
Anim na bahay naman ang bahagyang nasira dulot ng naganap na pagbaha habang kabilang sa inilikas ang isang pamilya na kasalukuyang nagdadalamhati sa nakaburol na kaanak sa kanilang tirahan matapos lumalim ang tubig-baha.
Nang mag-low tide, sinimulang maglagay ng mga sandbag sa nasirang dike ng mga tauhan ng City Engineering Office dakong ala-6 ng Sabado ng gabi subalit, bumigay din ito nitong Linggo ng umaga matapos magkaroon ng butas. (Richard Mesa)