Mga POGO hubs, gawing students’ dorms
- Published on September 21, 2024
- by @peoplesbalita
ISINUWESTIYON ni House Deputy Majority Leader Janette Garin na gamitin ang mga na-raid na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) hubs bilang dormitories para sa mga estudyante.
Sa isinagawang plenary deliberations para sa 2025 General Approriations Bill (GAB) nitong Miyerkules, inihayag ni Garin na isa sa kinakaharap na problema ng mg dormitoryo o paupahang kuwarto.
“Actually, ang isang pinaka- challenging na gastusin ng isang estudyante ay ‘yung boarding house, ‘yung dormitory, especially so that this is mostly provided by the private sector and hindi nakokontrol ‘yung presyo, ‘yung bayarin,” anang mambabatas.
“At the appropriate time, Madam Speaker, it’s not applicable all over the country, but for Region 3, napakaganda talaga na ‘yung mga POGO hub, na mga scam hub na na-discover ay makuha ng gobyerno at gawing extension campuses as well as dormitories ng ating karapat-dapat na estudyante,” dagdag ni Garin.
Si Garin ay nagsilbing sponsor ng Commission on Higher Education para sa 2025 GAB.
Batay sa research na may titulong “Enhancing Access and Success in SUCs,” sinabi ni Garin na kasama sa mga kinakaharap ng mayorya ng mga estudyante ay ang financial constraints.
Pabor naman si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa suwestiyon ni Garin.
Samantala, target ng kamara na maipasa ang 2025 GAB sa ikatlo at huling pagdinig sa September 25. Nagsimula ang plenary debates sa badyet nitong September 16. (Vina de Guzman)