Mga Pinoy na walang trabaho, dumami noong Abril
- Published on June 10, 2026
- by Francis Paolo Torres
MAS maraming Pilipino ang walang trabaho nitong Abril ng kasalukuyang taon kumpara noong 2025 sa parehong buwan, ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority.
Batay sa tala ng ahensya, tinatayang nasa 2.41 milyong indibidwal ang walang trabaho nitong Abril 2026, mas mataas kumpara sa bilang na 2.06 milyong mga unemployed noong Abril 2025.
Sa esensya, 47 sa bawat 1,000 tao ng kabuang labor force o lakas paggawa ng Pilipinas ang maituturing na unemployed o walang trabaho at pinagkakakitaan.
Tumutukoy ang labor force o lakas paggawa sa bahagi ng populasyon na edad 15 pataas na may kakayahang maghanap ng trabaho at maging isang manggagawa.
Ayon sa PSA, nasa 51.30 milyong Pilipino ang kalahok sa lakas paggawa ng bansa nitong Abril.
Bagama’t dumami ang mga unemployed, tumaas din naman ang bilang ng mga Pilipinong manggagawa. Mula sa 48.67 milyong indibidwal na may trabaho noong Abril 2025, naging 48.89 milyon na ito nitong kaparehong buwan ng kasalukuyang taon.
Pinakamaraming manggagawa ang naitala sa sektor ng paglilingkod o serbisyo na bumubuo sa 62.3% ng kabuuang bilang may trabaho, o nasa mahigit 30 milyong indibidwal.
Sinundan ito ng sektor ng agrikultura na may 19.4% o mahigit siyam na milyong bilang, at sektor ng industriya na kinabibilangan ng pagmamanupaktura, pagmimina, konstruksyon, at pampublikong serbisyo na may 18.3% o mahigit walong milyon.
Mayorya sa mga manggagawa ang kabilang sa sahuran at swelduhang paggawa (64.4%), sinusundan ng mga self-employed (27.8%), mga trabahador sa kani-kanilang sariling pamilya na hindi binabayaran (5.8%), at mga trabahador sa mga sakahan o negosyong pag-aari ng sarili nilang pamilya (2.0%).
Ang mga sahurang manggagawa ay tumutukoy sa mga trabahador na binabayaran ayon sa kanilang araw-araw na trabaho tulad ng mga pabrikante, samantalang ang mga swelduhang manggagawa naman ay mga trabahador na binabayaran kada buwan ayon sa kanilang propesyon.
Bukod dito, inilantad din sa datos ng PSA na dumami rin ang mga Pilipinong underemployed. Batay sa tala, 7.41 milyon sa bilang ng mga manggagawa ang nagsabing naghahangad sila ng mas mahabang oras ng pagtatrabaho, dagdag na pagkakakitaan, o hindi naman kaya’y bagong trabaho na may mas mahabang oras.
Nagbigay naman ng pahayag ang Malacañang ukol sa dumaming bilang ng mga Pilipinong may trabaho.
“Naging maganda po ang resulta pero hindi po ito pababayaan. Kahit medyo nag-increase po ang employment rate, patuloy pa rin po ang ating gobyerno sa paglikha ng dekalidad na trabaho at pagbibigay ng mga livelihood project sa ating mga kababayan,” saad ni Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing noong Hunyo 8, Martes.