Mga pasaway na hindi magsusuot ng maayos na face mask, huhulihin ng pulis
- Published on May 8, 2021
- by @peoplesbalita
IPINAG-UTOS ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kapulisan na hulihin at i-detain sa istasyon ng pulis ang mga pasaway na hindi isusuot ng maayos ang face mask sa publiko.
Nais din ng Pangulo na imbestigahan ng mga ito at panatilihin ng 9 na oras sa police station.
Sa kanyang Talk To The People, sinabi ng Chief Executive na ang face mask ay “a critical need” para mapigil ang pagsirit ng bilang ng COVID-19 cases.
“My orders to the police, those who are not wearing their masks properly in order to protect the public… to arrest them and detain them, investigate them why they are doing it,” ayon kay Pangulong Duterte.
“Yung ayaw maniwala, gusto mo, ayaw mo usapan na maganda, ah di ayan hulihin mo. Imbestigahin mo. Nine hours stay in station,” dagdag na pahayag nito.
Makailang ulit ng napapaulat na marami pa rin ang nakakalimot magsuot ng face mask, may suot nga, ngunit nasa ilalim namanĀ ng baba.
Hindi malaman kung nakalimutan lang ang face mask o talagang sinasadya na huwag magsuot.
Malinaw na binabalewala ang mga tagubilin at ipinatutupad na protocol laban sa Covid-19. (Daris Jose)