• March 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mga magulang Navoteños, nagtapos sa Project APAT

NAKAPAGTAPOS sa Project APAT (Ang Paaralan sa Ating Tahanan) ng Schools Division Office of Navotas at Food for the Hungry ang mga magulang Navoteños mula sa 25 na pampublikong paaralan sa Navotas City.

Dumalo sa kanilang graduation si Mayor John Rey Tiangco para personal na binati ang mga nagtapos na mga magulang.

“Nakakatuwang makita ang mga magulang na sa kabila ng trabaho at responsibilidad sa bahay ay naglaan pa rin ng oras para matuto kung paano mas magagabayan ang kanilang mga anak sa pag-aaral at sa buhay,” ani Mayor Tiangco.

“Malaking bagay ito dahil kapag ang magulang ay handang matuto, mas nagiging matatag ang pamilya. At kapag matatag ang pamilya, mas nagiging matatag ang ating lungsod,” dagdag niya.

Patunay lang aniya sa Project APAT na ang pag-aaral ay hindi lang sa paaralan. Nagsisimula din aniya ito sa tahanan, sa paggabay ng magulang, at sa suporta ng komunidad.

“Muli, binabati natin ang lahat ng nagtapos sa P4S (Pagsasanay sa Pagiging Magulang tungo sa Pinagpalang Pamilya). Ipinagmamalaki ko kayo,” pagbati ng alkalde.

Pinasalamatan din ni Tiangco ang mga guro, school leaders, at education stakeholders kung saan patuloy aniya nilang susuportahan ang mga ganitong programa dahil naniniwala siya na walang batang dapat maiwan kung sama-samang kumikilos. (Richard Mesa)