• February 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mga kabataan hindi mahina kundi pag-asa ng bayan- Malakanyang

PARA sa Malakanyang, hindi dapat na sabihin na ang mga kabataang Filipino ay mahina dahil ang mga ito ay siyang pag-asa ng bayan.
Sa katunayan ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na mismong si Dr. Jose Rizal ang nagsabi na “the youth is the hope of the nation.”
Sa ulat, hindi na kasi nakapagpigil si Sen. Robin Padilla sa paglalabas ng kanyang saloobin patungkol sa “kahinaan” ng loob ng henerasyon ng kabataan ngayon.
Ikinumpara ng action star at public servant ang ugali at personalidad ng mga bata noon kung ikukumpara sa generation ngayon na tinawag niyang “weak.”
Nagsalita si Sen. Robin sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media ngayong araw, February 11, at dito nga niya binengga ang mga millennial at Gen Z.
“Kung mayroon pong gustong iresolba si Senator Robin Padilla, siguro tingnan na lang po natin kung ano ba talaga ‘yun nais niya para sa kabataan,” ang diing pahayag ni Castro.
Winika pa ni Castro na ang Pangulo at ang administrasyong Marcos ay committed na magpatupad ng mga programa na naglalayong paghusayin ang kapakanan ng mga kabataan.
“Kaya nga ang Pangulo, pinagbubuti ang mga programa para sa edukasyon, pangkalusugan lalung-lalo na sa mga kabataan,” aniya pa rin. (Daris Jose)