Mga guro, makatatanggap ng 2023 performance-based bonus – DBM
- Published on September 26, 2025
- by @peoplesbalita
NAKATAKDANG tumanggap ang mga public school teachers ng kanilang Performance-Based Bonus (PBB) para sa Fiscal Year 2023 matapos ideklara ng Department of Education (DepEd) na eligible ang mga ito para sa insentibo.
Sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na ang eligibility ng mga DepEd employee, kabilang na ang mga guro, nagpatibay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kilalanin ang mahalagang papel ng mga guro sa pagpapalakas ng education system sa bansa.
“Kung wala sila [ating mga guro], wala rin tayo, kaya dapat lang po na patuloy natin silang bigyan ng motivation at nararapat na benepisyo,” ayon kay Pangandaman.
Sa kabilang dako, kinumpirma naman ni House Committee on Appropriations Chair Mikaela Angela Suansing sa isinagawang plenary deliberations sa panukalang 2026 national budget na magpupulong ang Technical Working Group ukol sa Executive Order No. 61, sa darating na Sept. 30 para isapinal ang resolusyon na pormal na magkakaloob ng PBB sa DepEd
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 2023-1, kinakailangan na ma-meet ng mga ahensiya ang mga kinakailangan na requirements sa ilalim ng apat na ‘dimensions of accountability’ gaya ng ‘performance, process, financial, at client satisfaction’ at maka-iskor ng 70 puntos para maging kuwalipikado para sa bonus.
Inanunsyo ng DBM ang pagre-release ng P1.64 billion para sa PBB ng mahigit sa 110,000 personnel at mga opisyal ng Philippine Army. (Daris Jose)