Mga deboto binalaan sa ‘stampede’ sa Traslacion
- Published on January 12, 2026
- by @peoplesbalita
PINAALALAHANAN ng Department of Health (DOH) ang mga deboto hinggil sa panganib ng posibleng pagkakaroon ng stampede, sa panahon ng pagdaraos ng Traslacion 2026 o ang tradisyunal na prusisyon para sa imahe ng Itim na Poong Nazareno.
Sinabi ng DOH na mataas ang panganib ng pagkakaroon ng stampede sa mga masisikip at matataong lugar.
Ayon sa DOH, kabilang sa mga senyales ng stampede ay malakas na tulakan, hirap na iangat ang mga paa, sabay-sabay na galaw ng mga tao at hirap sa paghinga.
Anang ahensiya, kapag napansin na ang ilan sa mga naturang palatandaan, ay kaagad nang lumayo sa lugar at kung maaari ay magtungo sa mas maluwag na espasyo.
Sakali naman anilang hindi makakalayo, dapat na manatiling nakatayo lamang at nakaangat ang mga braso.
Sakaling nahulog naman o mabuwal, dapat na protektahan ang ulo at dibdib.
Mas makabubuti rin umano kung sumabay sa galaw ng mga tao at kung kakayanin ay unti-unting lumipat sa mas maluwag na lugar.
“Kapag dadalo sa Traslacion, alamin ang senyales ng stampede at ano ang dapat gawin kung sakaling nangyari ito para ligtas ang paggunita at pamamanata,” anang DOH.
Ang Traslacion 2026 ay idinaos Enero 9, at dinaluhan ng milyun-milyong deboto ng Itim na Poong Nazareno.