MGA BENEPISYARYO NG NHA, MAAARI NANG MAGBAYAD NG AMORTISASYON GAMIT ANG GCASH AT ECPAY
- Published on October 20, 2025
- by @peoplesbalita
PINALAWAK ng National Housing Authority (NHA) ang listahan ng payment options nito matapos na makipag-partner sa GCash at ECPay, ang layuning ito ay para makapagbigay ng kaginhawahan at mas madaling paraan ng pagbabayad ng mga benepisyaryo sa kanilang buwanang amortisasyon.
Sa pamamagitan ni General Manager Joeben A. Tai, lumagda ang ahensya sa isang Memorandum of Understanding (MOU) kasama ang mga kumpanyang G-Xchange Inc. (GCash), na kinatawan ni Jamie Carmela Tiu; at ECPay, Inc., na kinatawan naman ni Ana M. Pulido. Ang seremonya ay sinaksihan ng ilang opisyal mula sa NHA at mga ahensyang nabanggit.
Ang inisyatiba na ito ay bahagi ng mas malaking Online Payment Gateways (OPG) system ng NHA, na ipinakilala sa panahon ni GM Tai na naglalayong palakasin ang payment network ng ahensya sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mas popular na mga alternatibo, na nagbibigay ng mas madaling paraan para sa mga housing beneficiaries nito na tuparin ang kanilang mga pinansyal na obligasyon nang hindi na kailangang bumisita sa mga regional at district offices ng ahensya.
Sa pamamagitan ng kolaborasyon na ito, ang GCash ang gaganap bilang mobile wallet platform na titiyak sa real-time payment capabilities at transaction transparency, habang ang ECPay naman ang magsisilbing payment gateway integrator, na sisiguro sa maayos na daloy ng transaksyon sa pagitan ng GCash at Billing and Collection System ng NHA.
Habang isinusulong nito ang agaran at hassle-free na sistema ng pagbabayad, pinapahusay din nito ang collection efficiency ng NHA, dahil binabawasan nito ang payment delinquency at pinapabilis ang cash flow ng ahensya.
Ang kasunduang ito ay naaayon sa pagsuporta sa mga inisyatiba ng gobyerno sa mga layunin ng digitalization, gaya ng nakasaad sa Republic Act (RA) 8792 o ang Electronic Commerce Act of 2000 at ang RA 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.
Sa tagumpay ng iba’t ibang partnership ng NHA, kinukumpirma nito ang landas ng ahensya, sa ilalim ng pamumuno ni GM Tai, patungo sa pagiging isang mas Transparent, mas Accountable, at mas Innovative na ahensya ng gobyerno. (PAUL JOHN REYES)