Mga bayarin sa graduation bawal – PBBM
- Published on March 19, 2026
- by @peoplesbalita
IPINAGBAWAL ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paniningil sa mga mag-aaral ng mga bayarin at kontribusyon ngayong panahon ng graduation ng mga estudyante sa mga pampublikong eskwelahan.
Ayon kay Pangulong Marcos, gumagawa ng hakbang ang pamahalaan para hindi makadagdag sa bigat sa bulsa ang pag-aaral sa gitna ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Patuloy aniyang tututukan ang kapakanan ng mga kabataang Pilipino, kaya bawal pa rin ang mga bayarin o kontribusyon na sisingilin sa mga mag-aaral sa mga pampublikong eskwelahan lalo na ngayong panahon ng graduation.
Inanunsiyo rin ng Pangulo na magsisimula ang Serbisyo Fair ng Department of Education (DepEd) kung saan ang mga ahensiya ng gobyerno at mga employer ang pupunta sa eskwelahan para makapag-apply ng trabaho ang mga high school student at graduates. Sa ganitong paraan aniya ay mas madali nang makakakuha ng clearance at hindi na rin gagasĀtos pa ng malaki sa pamasahe.