Mayroong P150,000 na tulong para sa ‘treatment at diagnostic tests’… PBBM sa DOH, gawing mas available ang ‘DOH Cancer Fund’ sa mga pasyente
- Published on May 26, 2025
- by @peoplesbalita
PINAKIUSAPAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Health (DoH) na gawing mas accessible ang cancer assistance fund ng gobyerno sa mga pasyente.
Binigyang diin ang pangangailangan na tiyakin na ang mga nakikipaglaban sa sakit ay kaagad na makatanggap ng napapanahon at sapat na suporta.
Inatasan din ng Pangulo ang departamento na maglunsad ng pinaigting na information campaign sa Cancer Assistance Fund (CAF) ng gobyerno upang masiguro na mas maraming cancer patients ang may kamalayan at may kakayahan na maka-
access sa programa, kung saan nagbibigay ng P150,000 na tulong para sa ‘treatment at diagnostic tests.’
“Layunin din natin na mas maraming kababayan pa ang mabigyan ng tulong [na] hatid ng Cancer Assistance Fund,” ang sinabi pa ni Pangulong Marcos sa isinagawang inagurasyon ng Region 1 Medical Center Cancer Institute sa Dagupan City.
Nauna rito, sa unang episode ng BBM Podcast, sinabi ng Pangulo na labis siyang nalulungkot sa survey kung saan ang mga respondent ay nagpahayag na umaasa sila para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sakupin ang top 10 most common diseases sa bansa.
Tinuran ni Pangulong Marcos na maraming pasyente ang hindi nakakaalam at walang ideya sa CAF, dahilan para hindi sila makapag-avail ng tulong.
At upang masiguro na makakapag-avail ang mgma pasyente ng CAF, sinabi ng Pangulo na “Si Secretary Ted Herbosa ng DOH po ay maglalabas ng impormasyon ng kumpletong listahan ng mga ospital na ito para mas maraming kababayan natin ang makinabang.”
“Inaasahan ko na palalawigin ng DOH pa ang impormasyon ukol dito,” aniya pa rin.
Sinabi pa rin ni Pangulong Marcos na ipinag-utos na niya sa mga kinauukulang ospital na bilisan ang pagpo-proseso sa request ng pasyente para sa CAF.
Maaaring gamitin ng Cancer patients ang CAF sa 34 DOH-accredited hospitals sa buong bansa, kabilang na ang R1MC, sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang ‘medical abstract, doctor’s prescription, o treatment plan.’
Tinuran pa ng Chief Executive na ang isang social worker o personnel ay nakatalaga sa bawat 34 DOH hospitals para i-assess ang situwasyon ng isang cancer patient.
Sa oras na maaprubahan na ang request, maaari nang gamitin ng pasyente sa ospital ang financial aid mula sa CAF.
Hinikayat din ng Pangulo ang DOH na gawing available ang CAF sa mas maraming ospital.
“Madagdagan pa sana ang mga ospital na maaaring matakbuhan ng ating kababayan para sa programang ito,” ang winika pa rin ng Pangulo.
Samantala, ang mga accredited DOH hospitals kung saan ang CAF ay available ay kinabibilangan ng Philippine General Hospital at Tondo Medical Center sa Kalakhang Maynila; Baguio General Hospital; Bicol Medical Center; Vicente Sotto Medical Center sa Cebu; Eastern Visayas Medical Center sa Tacloban City; Zamboanga City Medical Center; at Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City. ( Daris Jose)