• April 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mayor Wes, nanumpa sa kanyang ikalawang termino

MALUGOD na tinanggap ni Mayor WES Gatchalian ang pagsisimula ng kanyang bagong termino na may panibagong pananaw para sa inklusibo at napapanatiling pag-unlad, kasunod ng oathtaking ceremony ng mga bagong halal na opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela na pinangasiwaan ni Court of Appeals Justice Jaime Fortunato Caringal na ginanap sa makasaysayang Casa de Polo, nitong Lunes ng umaga.

Kasama ni Mayor WES na nanumpa ang bagong halal na Vice Mayor Marlon Alejandrino, First District Congressman Kenneth Gatchalian, Second District Congressman Gerald Galang, at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, na binubuo nina Cris Feliciano-Tan, Ghogo Deato-Lee, Atty. Richard Enriquez, Atty. Bimbo Dela Cruz, Kisha Ancheta, at Goyong Serrano mula sa unang Distrito; at Lorie Natividad-Borja, Niña Lopez, Sel Sabino-Sy, Chiqui Carreon, Mickey Pineda, at Louie Nolasco mula naman sa ikalawang Distrito.

Bago ang oathtaking, idinaos ang closing session ng 9th city council kung saan ipinasa ang isang resolusyon na nagbibigay pugay sa mga outgoing three-termer councilors na sina Ramon Encarnacion at Ricar Enriquez, at outgoing Vice Mayor na incoming second district Councilor  Lorie Natividad-Borja para sa kanilang huwarang serbisyo at paglilingkod sa mga Valenzuelano ng siyam na taon.

Isang congratulatory resolution din ang ipinasa bilang pagbati kay Mayor WES Gatchalian para sa kanyang ikalawang termino,  Vice Mayor Marlon Alejandrino, Congressman Kenneth Gatchalian at Congressman Gerald Galang para sa kanilang bagong posisyon bilang kinatawan ng una at ikalawang distrito ng lungsod.

Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni Mayor WES ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga taga-Valenzuela sa muling ibinigay sa kanya na pagtitiwala at sa kanyang team. Muli niyang pinagtibay ang pangako ng kanyang administrasyon na ipagpatuloy ang pagbabago ng Valenzuela sa isang inklusibo at liveable city. Binigyang-diin niya na ang susunod na tatlong taon ay magsisilbing bagong simula, bagong mandato at pagpapalakas ng enerhiya upang makabuo ng pundasyon ng mahusay na pamamahala. Nangako din siya na paigtingin ang pagsisikap na mailapit ang de-kalidad na serbisyo sa bawat barangay at tiyaking walang maiiwan na sektor. (Richard Mesa)