Mayor Joy at LTO kapit-bisig sa road safety ng E-trike, E-bikes
- Published on January 16, 2026
- by @peoplesbalita
NAGPULONG sina Quezon City Mayor Joy Belmonte at Land Transportation Office (LTO) Chief Markus V. Lacanilao para talakayin ang mga polisiya sa paggamit ng e-trikes at e-bikes sa lungsod.
Ayon kay Belmonte ang pulong ay bunsod ng ng ipinatutupad na ban ng LTO sa pagdaan sa national highways ng mga e-trikes at e-bikes.
Sinabi naman ni QC Traffic and Transport Management Department Chief Dexter Cardenas na layon nilang palakasin ang kolaborasyon sa road safety.
Tiniyak aniya sa kanila ng LTO na maglalabas ito ng malinaw na guidelines para sa operasyon ng e-bikes at e-trikes gayundin ang pagtatalaga ng designated bike lanes para sa mga e-bike na may bigat na 50 kilo pababa, na ipatutupad ng lokal na pamahalaan.
Binigyan-diin pa ni Cardenas na ito ay isang joint effort ng LTO at ng QC LGU para matugunan ang road safety concerns.
Kasabay nito, inaasahang magpapasa naman ang LGU ng isang ordinansa na magtatakda ng malinaw na enforcement mechanism para sa operasyon ng mga e-trikes sa QC.