Mayor Jeannie, nangako ng patuloy na suporta sa Malabon CPS
- Published on June 24, 2025
- by @peoplesbalita
NANGAKO si Mayor Jeannie Sandoval ng patuloy na suporta sa mga programa ng Malabon City Police Station (MCPS) para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lahat ng komunidad.
Ito’y matapos magpakita ng bukod tanging pagganap ang Malabon CPS sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Jay Baybayan ng 5-Minute Response Time Challenge ng Philippine National Police’s (PNP), isang inisyatiba na sumusukat sa kakayahan ng police units na tumugon nang mabilis at epektibo sa mga emergency.
“Congratulations po sa ating hepe na si Col. Jay Baybayan at sa buong Malabon City Police sa kanilang tagumpay na matugunan ang pamantayan ng 5-Minute Response Time Challenge ng PNP. Ito ay nagpapakita ng dedikasyon, tapang, at kahandaan ng ating pulisya sa mas mabilis na pagresponde sa anumang emergencies upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat isa sa ating lungsod,” ani Mayor Jeannie.
“Makasisiguro po ang bawat mamamayan na mas palalakasin pa natin ang ugnayan at pagtutulungan ng pamahalaang lungsod at ng kapulisan sa pagbibigay ng mga programa at sa pagseserbisyo para sa kapakanan ng mga Malabueno sa bawat komunidad,” dagdag niya.
Ang 5-Minute Response Time Challenge, na inilunsad ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, ay bahagi ng mas malawak na kampanya para gawin moderno ang mga operasyon ng pulisya at pahusayin ang kakayahan sa pagpapatupad ng batas at paghawak ng mga emerhensiya. Layunin nito na ang lahat ng naiulat sa 911 ay matugunan sa loob ng 5 minuto.
Sa naganap na simulation exercise kamakailan na isinagawa ng Northern Police District (NPD), kasabay ng 2nd Quarter Meeting ng Malabon Peace and Order Council, ipinakita ng MCPS ang kanilang emergency preparedness and response strategies kay Mayor Jeannie at sa mga opisyal ng NPD na lalong nagpatibay sa pangako nito sa isang ligtas at walang krimen sa Malabon.
“Ang tagumpay na ito ay nagpapakita rin ng pagiging disiplinado, committed, at goal-oriented ng ating kapulisan sa pamumuno ni Col. Baybayan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan. Kaya naman po sa ating mga mahal na Malabueno, huwag pong mag-atubiling lumapit sa ating kapulisan lalo na sa panahon na kinakailangan dahil makakasisiguro po kayo na naririto ang ating mga alagad ng batas na darating at tutulong,” saad ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)