• October 24, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 25, 2025
    Current time: October 25, 2025 2:27 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mayor Jeannie, namahagi ng unang Malabon Ahon Blue Card 2025

UPANG magbigay ng kagalakan at pananabik sa mga Malabueño sa kanilang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, inilunsad ni Mayor Jeannie Sandoval nitong Biyernes, ang pamamahagi ng unang tranche ng Malabon Ahon Blue Card (MABC) na tulong pinansyal para sa taong 2025.
“Maligayang Araw ng mga Puso, Malabueños! Kasabay ng ating pagdiriwang ng buwan ng pag-ibig, ay nakakatuwa pong ibalita na atin na pong sisimulan ang pamamahagi ng ating unang ayuda para sa 2025! Ito po ay bahagi pa rin ng ating layuning mas mailapit ang tulong at serbisyo para sa ating mga kababayan. Sa panahong ito, nawa ay ating ipadama ang pagmamahal sa bawat isa. Sama-sama po tayo ano man ang panahon,” ani Mayor Sandoval.
Ayon sa City Monitoring, Evaluation, Accountability, and Learning (MEAL) Office, ang 86,674 qualified MABC holder ay maaaring mag-withdraw ng kanilang tulong pinansyal sa alinmang BancNet-powered ATM o sa alinmang sangay ng Universal Storefront Services Corporation (USSC) sa buong bansa mula Pebrero 14, alas-8 ng umaga, Pebrero 28, alas-11:59 ng gabi.
Sinabi nito na ang mga benepisyaryo ay makakatanggap ng mensahe mula sa USSC kapag ang kanilang unang ayuda ay magagamit para sa pag-claim. Ang team ng MABC ay magpo-post din ng isang link na may listahan ng mga kwalipikadong residente sa Facebook page nito.
Pinaalalahanan ng MEAL ang mga Malabueño na alagaan ang kanilang mga MABC at agad na makipag-ugnayan sa USSC kung mayroon silang mga alalahanin tulad ng PIN update, nawala at nasira na mga card.
Upang maiwasan ang mga isyu sa pag-claim ng kanilang ayuda, sinabi ng MEAL na dapat iwasan ng mga residente na mabasa o masira ang kanilang mga MABC.
Sa parehong araw, pinangunahan din ni Mayor Jeannie ang soft launching ng MABC Eskwela Savings Program para sa mga Grade 1 students na nagbibigay-daan sa mga mag-aaral na makaipon ng pera at makatulong sa kanila sa hinaharap.
Ang mga benepisyaryo ay bibigyan ng savings account na may paunang pondo na P1,000.
“Ito ba ang ika-siyam na ayuda sa ilalim ng Malabon Ahon Blue Card muka ng ilunsad ito noong 2022. Makasisiguro ang mga Malabueño na tayo sa pamahalaang lungsod, sa pangunguna ni Mayor Jeannie Sandoval, ay patuloy na maglalapit ng mga programa para sa ating mga kababayan,” pahayag ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)