Mayor Jeannie, namahagi ng food packs sa mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Nando
- Published on September 25, 2025
- by @peoplesbalita
SA patuloy nitong pagsisikap na suportahan ang mga residente sa panahon ng masamang kondisyon ng panahon, personal na pinangunahan ni Mayor Jeannie Sandoval ang pamamahagi ng family food packs sa mga pamilyang apektado ng habagat na pinalakas ng Super Typhoon Nando.
“Agarang tulong po sa ating mga kababayan ang ating ipinabot dahil alam po natin ang hirap na nararanasan ng mamamayan tuwing may bagyo o kalamidad. Makakaasa po ang bawat isang Malabueno na tayo ay nakatutok sa masamang panahon para masiguro ang kaligtasan ng bawat isa. Nakahanda po ang ating Command and Communication Center at mga kagamitan, at gumagana ang ating mga pumping stations. Kaya palagi po nating paalala na tayo ay magtulungan. Makiisa sa ating mga hakbang para sa kaayusan at kapakanan ng mga miyembro ng tahanan,” ani Mayor Jeannie.
Nitong Martes, bumisita ang alkalde sa Dampalit Integrated School para simulan ang pamamahagi ng relief goods sa 45 indibidwal o 14 pamilya na pansamantalang sumilong sa paaralan sa panahon ng malakas na buhos ng ulan.
Nakatanggap din ng food packs ang 29 pang pamilya na lumikas sa Maysilo at Tinajeros Elementary Schools habang namahagi rin ang CSWD ng mainit na pagkain sa mga evacuees.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Pamahalaang Lungsod sa pamamagitan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa iba’t ibang departamento at barangay units para magpatupad ng mga proactive na hakbang para sa kaligtasan ng lahat.
Nananatili ring gumagana ang Command and Communication Center ng Lungsod para subaybayan ang Super Typhoon Nando at isa pang nagbabantang bagong bagyong “Opong”.
Naka-standby at nakahanda na rin ang lahat ng city at barangay Disaster Risk Reduction and Management Council (MCDRRMC) para sa agarang deployment habang tiniyak naman ng City Engineering Office na gumagana ang lahat ng pumping station at floodgates.
“Ngayong may isa pang low pressure area na binabantayan sa ating bansa, sinisigurado ng pamahalaang lungsod na bawat isa po sa atin ay handa at ligtas. Makipag-ugnayan po sa pamahalaang lungsod kung kinakailangan ng tulong dahil nakahanda itong umagapay anumang oras,” pahayag naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)