• October 23, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 3:59 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mayor Jeannie, naghatid ng ‘Ulat Sa Malabueño’ 2025

NAGHATID si Mayor Jeannie Sandoval ng kanyang “Ulat sa Malabueño 2025” para muling pagtibayin ang dedikasyon nito sa paghahatid ng mga progresibo, inklusibo, at community-centered programs na ginanap sa Malabon Sports Center.
Sa kanyang talumpati, itinampok ni Mayor Jeannie ang mga pangunahing tagumpay ng Malabon, mga prayoridad na programa, at mga layunin sa hinaharap sa edukasyon, kalusugan, kabuhayan, trabaho, negosyo, pabahay, imprastraktura, at iba pang mahahalagang serbisyo na naglalayong bumuo ng isang mas maunlad, matatag, at matitirahan na lungsod.
          Ibinida ni Mayor Jeannie ang Malabon Ahon Blue Card (MABC) na kanyang pangunahing programa na idinisenyo upang ilapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga residente na mula nang ilunsad noong Disyembre 2023, ay nakapaghatid ng humigit-kumulang ₱492 milyong halaga ng tulong sa mahigit 91,375 na kabahayan.
Noong Mayo, kinilala ang MABC bilang 2025 Public Sector Initiative of the Year sa GovMedia Conference and Awards sa Singapore para sa kahusayan at epekto nito sa pagpapasigla ng mga pamilya sa Malabon.
“Ang Blue Card ay higit pa sa isang ID — ito ay simbolo na ang Malabon ay may kakayahang maglatag ng programang may epekto, may saysay, at kinikilala sa mas malawak na entablado,” ani alkalde.
Tiniyak din ni Mayor Jeannie sa mga Malabueño ang pagpapalakas ng mga serbisyong pangkaligtasan, kapakanan, at kalusugan sa pamamagitan ng pinalawak na pabahay at mga programang medikal.
Nagpatupad din si Mayor Jeannie ng mga programang nakikinabang sa iba’t ibang sector, mga mag-aaral, senior citizen, PWD, solo parents, at manggagawa.
          Inulat din niya ang pinaigting ng lungsod na mga cleanup drive, declogging operations, tree planting, park beautification, roadworks, at modernization ng pumping stations para matiyak ang mas malinis at ligtas na kapaligiran.
Kabilang pa aniya sa mga pangunahing paparating na proyekto sa imprastraktura ang 5-palapag na Multi-Purpose Building at ang Malabon Sports and Convention Center para sa sports, kultura, at mga kaganapan sa komunidad.
Ipinagmalaki din niya ang pagkamit ng Malabon ng pandaigdigang pagkilala sa pamamagitan ng pag-secure ng Guinness World Record para sa Longest Line of Bowls of Noodles, na nagpapakita ng culinary heritage ng lungsod sa pamamagitan ng Pancit Malabon.
“Sa nakaraang taon, hinarap rin natin ang mga hamon nang magkasama, at patuloy tayong kumilos para sa mas maayos, mas ligtas, at mas maunlad na Malabon. Ngayong ay ipapakita nating muli na handa tayong ipagpatuloy at palawakin ang ating mga nasimulan,” aniya.
Binigyang-diin ni Mayor Jeannie na ang lahat ng mga ito ay bunga ng pagtutulungan ng mga kagawaran ng lungsod, barangay, at komunidad, na nagpapatunay na ang pag-unlad ng Malabon ay isang pinagsamang tagumpay. (Richard Mesa)