• February 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

MAYOR ALONG, GINAWARAN NG P1M CASH INCENTIVES ANG MGA BAGONG ABOGADO NG UCC

GINAWARAN ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ng cash incentives na nagkakahalaga ng P1 milyon ang 2025 bar passers mula sa University of Caloocan City (UCC) sa kanilang Testimonial Ceremony na ginanap sa Bulwagang Katipunan, ng Lungsod.

Pinuri ni Mayor Along at 1st District Congressman Oscar ‘Oca’ Malapitan ang 16 bagong abogado na produkto ng UCC-College of Law (UCC-COL) at kinilala ang pagsisikap at dedikasyon na kanilang ibinuhos sa pagharang sa Bar Examinations at pagkamit ng kanilang titulo.

“Congratulations po, at maraming salamat sa karangalan na ibinigay ninyo sa ating lungsod. Kayong lahat ay patunay ng sipag, talino, at determinasyon ng Batang Kankaloo,” ani Mayor Along.

“Ngayong ganap na kayong mga attorney, nawa’y dalhin ninyo ang mga natutunan niyo sa UCC sa pakikipaglaban para sa karapatan ng ating mga mamamayan. Maglingkod nang buong husay, may integridad, at higit sa lahat, may malasakit sa inyong kapwa,” dagdag niya.

Kinilala rin ng local chief executive ang UCC-COL sa pagkakamit ng 72.73% passing rate sa 2025 Bar Examinations, na higit na mataas sa national average na 48.98 percent.

“Binabati rin po natin ang UCC-College of Law para sa patuloy na paggabay at paghuhubog sa ating mga mag-aaral upang maging mahuhusay na abogado. Ipagpatuloy niyo lang po ang paghahatid ng dekalidad na edukasyon sa ating mga mag-aaral,” pahayag niya. (Richard Mesa)