May National ID, libre sa MRT-3
- Published on August 7, 2025
- by @peoplesbalita
Good news! Ito’y dahil nagkakaloob ng libreng sakay ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) para sa mga pasaherong gagamit ng National ID sa pagsakay ng linya, sa lahat ng Miyerkules ng buwan ng Agosto.
Sa abiso ng MRT-3 sa kanilang social media pages, nabatid na epektibo ang nasabing Libreng Sakay mula 9:00AM hanggang 11:00AM at mula 6:00PM hanggang 8:00PM, sa mga araw ng Miyerkules ng Agosto, o sa mga petsang Agosto 6, 13, 20 at 27.
Ayon sa MRT-3, ang naturang Libreng Sakay ay alinsunod sa layunin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mapalaganap ang paggamit ng National ID, para sa mas madaling mga transaksiyon, pampubliko man o pribado, at mas mabilis at inklusibong paghahatid ng mga serbisyong panlipunan.
Kinakailangan lamang umano ng pasahero na iprisinta ang physical card, printed paper, o digital copy version ng kanilang National ID sa security personnel sa service gate ng mga istasyon upang makatanggap ng Libreng Sakay.
Ang MRT-3 ay bumabaybay sa kahabaan ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) at nag-uugnay sa Taft Avenue, Pasay City at North Avenue, Quezon City.