Masyado umanong papansin si VP Sara ayon sa mambabatas
- Published on July 8, 2026
- by Francis Paolo Torres
ITO ang naging reaksyon ni dating ACT Teachers party-list Rep. France Castro sa pagtungo ni Vice President Sara Duterte sa senado ngunit hindi naman dadalo sa kanyang impeachment trial.
“Masyadong papansin. Di pala aattend e. Di lang bratinella, drama queen pa dahil sa madrama niyang script. Sagutin nya dapat ang tanong ng sambayanan. Saan nya ginastos ang confidential funds? Hindi ‘yung puro drama,” ani Castro.
Pahayag naman ni Gabriela Women’s Party List Rep. Sarah Elago na ang ng pagharap ni VP Sara para lamang maghatid ng isang one-liner ay nagpapakita na hindi umano niya sineseryoso ang isang prosesong sinusubaybayan ng sambayanang Pilipino.
Idinagdag nito na sa halip na magbigay ng malinaw na paliwanag ay mas pinili niyang magpa-victim at gawing personal na drama ang isang konstitusyonal na proseso ng pananagutan.
“Dapat tigilan na ang drama, harapin na ang impeachment trial, sagutin ang mga alegasyon ng korapsyon at pagtataksil sa tiwala ng publiko, at igalang ang prosesong hinihingi ng sambayanang Pilipino,” pahayag ni Elago.
Nagpakita si Duterte sa senado para makipagpulong sa defense team nito ngunit hindi naman siya dadalo sa pagdinig.
(Vina de Guzman)