Mastermind sa likod ng P2.7B shabu shipment mula at iba pang drug smuggling cases na dumaan sa Port of Manila, busisiin
- Published on February 27, 2025
- by Peoples Balita
MASUSING pinabubusisi ni House Minority Leader Marcelino Libanan sa Department of Justice (DOJ) ang mastermind sa likod ng P2.7-billion shabu shipment mula Karachi, Pakistan, na naharang sa Manila nitong nakalipas na Enero.
“We urge the DOJ to strengthen its pursuit of the real masterminds behind this recent drug smuggling operation, as well as all previous shabu consignments that have entered through the Port of Manila,” pahayag ni Libanan sa isang statement.
Sinabi nito na ang patuloy na smuggling ng shabu sa Port of Manila ay nagpapakita na nananatili pa ring nakakakilos na malaya ang nasa likod nito.
“These individuals must be identified, exposed, apprehended, and prosecuted to the fullest extent of the law,” dagdag ng mambabatas.
Noong Enero 23, naharang ng joint task force na binubuo ng National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Customs (BOC), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasa 405 kilo ng methamphetamine hydrochloride (shabu) sa Port of Manila. Nakatago ito sa loob ng shipment ng vermicelli at custards.
Ang operasyon ay inilunsad matapot makatanggap ang NBI ng intelligence mula sa foreign counterpart nito kaugnay sa naturang parating na shipment mula Karachi.
Matapos makumpiska, hinuli at kinasuhan ng DOJ ang cargo consignee, dalawang customs brokers, at dalawang top executives ng freight forwarding company na siyang responsable sa handling ng shipment.
Nanawagan din si Libanan na magsagawa ng mas agresibong hakbang para mabuwag ang drug smuggling networks.
(Vina de Guzman)