• September 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Master plan para sa flood control, isinasagawa na ng pamahalaan- Malakanyang

INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mayroon nang master plan ang pamahalaan para sa flood control at kasalukuyan na itong isinasagawa upang matugunan ang mga problema sa pagbaha sa bansa.

Ayon sa Pangulo, matagal nang mayroong flood control master plan ang bansa pero hindi ito naipatupad noon.

“Mayroon na tayong master plan. Hindi lamang ito naipatupad. Isinasagawa na natin ito ngayon. Ilang dekada na tayong may master plan pero walang ginawa. Ngayon lamang natin ito sinisimulan,” pahayag ni Pangulong Marcos matapos inspeksyunin ang nasirang Aquino at Agana bridges sa Barangay San Isidro, Tarlac City.

Sinabi rin ng Pangulo na nakaranas ang bansa nang hindi pangkaraniwang dami ng ulan at tubig na nagdulot ng matinding pagbaha at pinsala sa mga tulay.

“Ngunit hindi pangkaraniwan ang dami ng tubig. Ngayon lamang tayo nakakita ng ganito. Ang tulay na ito ay nakatayo na mula pa matapos ang giyera. Kaya 70 taon na ito. Wala naman itong naging problema hanggang ngayon,” ani Pangulong Marcos na tinutukoy ang nasirang Agana Bridge.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang epekto ng climate change sa nararanasang matinding pag-ulan at pagbaha.

“At ito talaga ay maliwanag na maliwanag, ito ang epekto ng climate change. Dahil sa buong karanasan ng Pilipinas, ngayon lang tayo nakatikim ng ganitong klaseng ulan, ganitong klaseng pagbaha dahil nga nagbabago ang panahon dahil nga sa climate change,” pahayag ng Pangulo.

Kasama ni Pangulong Marcos sa inspeksyon si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon. Sa harap nito, sinabi ng Pangulo na inaasahang papayagan ang light traffic sa Agana Bridge sa loob ng dalawang linggo, habang maaaring mas matagal ang pagkukumpuni sa Aquino Bridge dahil mas malaki ang pinsala.

Ipinaliwanag din ng Pangulo na malakas at mabilis ang agos ng tubig nang masira ang mga tulay.

“Nanggaling din kami doon sa kabila sa Aquino Bridge, the same thing. Natangay din ‘yung section, ‘yung isang span. As you can see, dito, talagang basta tinangay lang ‘yung span, isang span. At the estimate, ang sabi sa akin, the estimate ng takbo ng tubig is 30 to 35 knots ang takbo ng tubig. Kaya napakabilis, kaya napakabigat ng tubig. Kaya ganito ang nangyari,” dagdag pa ng Pangulo.

Tiniyak ng Pangulo na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang makumpuni ang dalawang tulay dahil masyadong malayo ang mga kasalukuyang alternatibong ruta.

“Dahil ang alternative route ngayon ay sa hanggang sa Gerona. Gerona pa lang, ang kaisa-isang tulay na natira para alternative route para dito sa Agana at saka sa Aquino Bridge.Napakalayo masyado, kaya minamadali namin, binibilisan namin ang pag-aayos dito,” pahayag ng Pangulo.

( DARIS JOSE)