Mas mataas na pondo para sa edukasyon, isinusulong
- Published on June 6, 2026
- by Francis Paolo Torres
ISINUSULONG ng isang mambabatas ang panukalang magpataas sa pondo para sa edukasyon ng mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pagtaas ng Special Education Fund (SEF) levy mula 1% na maging 3%.
Sa ilalim ng House Bill No. 9227 o “Strengthened Special Education Fund Act of 2026,” na inihain ni Nueva Vizcaya Rep. Timothy Joseph “Tim” Cayton, layunin ng panukala na mabigyan ng mas sapat na pondo ang mga pampublikong paaralan para sa konstruksyon at rehabilitasyon ng classrooms, pagbili ng instructional materials, learning recovery programs, sanitation facilities, at iba pang pangangailangan ng mga estudyante at guro.
Ayon kay Cayton, matagal nang hindi naa-adjust ang kasalukuyang SEF rate kahit patuloy na tumataas ang gastos sa edukasyon at dumarami ang pangangailangan ng mga paaralan.
Binigyang-diin din ng mambabatas na malaking tulong ang dagdag na pondo upang masuportahan ang mga local school boards at mga LGU sa pagtugon sa kakulangan sa pasilidad at resources sa mga pampublikong paaralan.
Sa ilalim ng panukala, mananatiling eksklusibong gagamitin ang dagdag na koleksyon para lamang sa Special Education Fund upang matiyak na direktang mapupunta ito sa pagpapabuti ng edukasyon.
Ayon kay Cayton, ang pagtaya sa edukasyon ay pagtaya sa kinabukasan ng bansa at nararapat lamang na mabigyan ito ng sapat at napapanahong suporta.
(Vina De Guzman)