Mas mahigpit na quarantine sa Metro Manila nakaamba
- Published on January 14, 2021
- by @peoplesbalita
Nakaamba ang pagpapatupad ng mas istriktong quarantine sa Metro Manila kung magpapatuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, titingnan ang tinatawag na “two-week attack rate” at ang critical care capacity ng mga ospital.
Sinabi ni Roque na hindi na maibabalik ang panahon para sa mga hindi sumunod sa social distancing noong Pasko, Bagong Taon at Traslacion.
“Well, unang-una iyong nangyari ay nangyari na hindi na natin maibabalik ang panahon. Iyong mga hindi po nag-observe ng social distancing noong panahon ng Pasko, BagongTaon at Traslacion, naririyan na iyan,” ani Roque.
Wala na rin aniyang magagawa para sa mga hindi sumunod na tiyak na nakakaranas na ng mga sintomas.
Pero ang mabuting balita aniya ay may sapat na kakayanan ang mga ospital para gamutin ang mga tinamaan ng COVID-19.
Inulit din ni Roque ang payo ng Department of Health para sa mga pumunta sa Traslacion na mag-isolate na kung may nararamdamang sintomas ng virus at magpa-test pagkatapos ng anim na araw simula nang magpunta sa Quiapo.
Sa pahayag ng OCTA Research Group, nagkaroon na ng pagtaas sa COVID sa Metro Manila matapos ang mahigit 400 nadagdag na kaso.
Ayon kay Dr. Ranjit Rye ng Octa Research, kailangan nang kumilos at magpatupad ng kaukulang hakbang ang pamahalaan para maiwasan ang paglobong muli ng COVID cases sa MM.
Tumaas din ang reproduction number ng bansa batay sa record ng Department of Health na 1.13 na mas mataas kumpara sa 1.02 noong Disyembre 21 na indikasyon na kumakalat ang virus.
Bunga nito, nanawagan ang grupo sa pamahalaan at LGUs na magpatupad ng pinaigting na testing, tracing, at pag-isolate upang maiwasan ang pagkalat ng sakit at higpitan ang border control.
Hinala pa ng OCTA team na maaaring nasa Pilipinas na ang bagong COVID-19 variant mula sa UK. (ARA ROMERO)