Mas mabigat na parusa vs illegal foreign workers
- Published on June 12, 2024
- by @peoplesbalita
NAIS ni Bicol Saro Partylist Rep. Brian Raymund Yamsuan na mapatawan ng mas mabigat na parusa ang mga dayuhang nagtatrabaho sa bansa ng iligal kabilang na ang pagkakakulong ng hanggang 6 na taon at mataas na multa.
Sa House Bill 1279, pinatataasan nito sa P50,000 ang kasalukuyang nakasaad sa batas na P10,000 multa sa bawat taon ng pagtatrabaho nito ng iligal. Kasunod na rin ito sa pagkakaaresto nitong nakalipas na linggo ng may 37 Chinese nationals dahil sa pagpapatakbo ng illicit retail at restaurant operations sa Parañaque City.
Naghain din ang mga senadot ng resolusyon para sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa reklamo ng ilang may-ari ng Multinational Village homeowners sa Barangay Moonwalk kaugnay sa pagdagsa ng Chinese nationals na pinagsususpetsahang sangkot sa illegal Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) sa naturang subdibisyon.
Inaresto din ng pulisya ang 10 Chinese nationals noong Mayo 2, sa Multinational Village, dahil sa umano’y human trafficking.
“We certainly welcome foreign nationals in our country if they have valid employment permits (EPs) and if they do not compete with our equally, and at most times better, skilled workforce. But we should draw the line when it comes to foreigners who not only work here illegally, but also pose a threat to the peace and order in our communities,” ani Yamsuan.
Nakasaad sa HB 1279, na ang mga nonresident foreign nationals na may EPs ngunit piniling magpalipat sa ibang trabaho o employer ng walang notice at pag-apruba mula sa Secretary of the Department of Labor and Employment (DOLE), ay pagmumultahin ng P50,000 hanggang P100,000.
Habang ang employer o authorized representative na nag-hire ng nonresident foreign nationals para magtrabaho ng iligal sa bansa ay pagmumultahin naman ng mula P100,000 hanggang P200,000. (Vina de Guzman)