Paglaban sa pananakop ng Tsina, palalakasin- Goitia
- Published on March 10, 2025
- by Peoples Balita
SUMIKLAB ang matinding batikos matapos kondenahin ni Dr. Jose Antonio Ejercito Goitia, Chairman Emeritus ng Filipinos Do Not Yield Movement, ang pahayag ng Tsina na bahagi umano ng kanilang teritoryo ang Palawan. Ito’y makaraang tawagin ni Goitia na katawa-tawa, paglabag sa pandaigdigang batas , walang batayan at pang-iinsulto sa kaalaman ng Pilipino sa kanilang kasaysayan at kultura ang -aangkin ng Tsina sa Palawan. Iginiit din niya na ang naturang pag-aangkin ay direktang sumasalungat sa United Nations Convention o the Law of the Sea o UNCLOS na nilagdaan mismo ng Tsina. Bunsod nito , ipinangako ng mga makabayang kilusan tulad ng Filipinos Do Not Yield Movement na pinamumunuan ni Goitia na kanilang palalakasin pa ang kanilang paglaban sa pananakop ng Tsina Kinatawan ni Goitia ang iba’t ibang makabayang organisasyon, kabilang ang People’s Alliance for Democracy and Reform (PADER), Alyansa ng Bayan para sa Kapayapaan at Demokrasya at at Liga Independencia Pilipinas (LIPI) at siya rin ang Presidente at unang nominado ng Ang Bumbero ng Pilipinas Party List (ABP Party List). “Ang pang-aapi na ating nararanasan mula sa isang bansang minsan nating itinuring na malapit na kaalyado sa kalakalan at pagpapalitang kultural ay hindi matatawaran,” ayon kay Goitia. “Kahiya-hiya kayo sa pagtataksil sa kabutihang-loob ng inyong mga ninuno, na itinuring ang mga Pilipino bilang malalapit na kaibigan simula pa noong nagsimula ang ating kalakalan daan-daang taon na ang nakalipas,” dagdag pa nito. Mariin ding kinondena ni Goitia ang mga aksyon ng Tsina sa West Philippine Sea, partikular ang pananakot sa mga mangingisdang Pilipino at mga tauhan ng militar. Pinuna rin niya ang mga mapanlinlang na kasunduang pang-ekonomiya noong administrasyong Duterte, na ginamit umano bilang pantabing sa patuloy na pag-angkin ng teritoryo. Nanindigan din si Gotia na hind niya papayagang agawin ang soberanong teritorya at baguhin ang kasaysayan upang itulak ang kanilang expansionist agenda. Ang pahayag ni Goitia ay lalong nagpataas ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, kung saan patuloy na nagkakaisa ang mga Pilipinong makabayan upang labanan ang agresyon ng Beijing sa rehiyon. Maging ang mga internasyonal na eksperto ay nagbigay ng opinyon sa usapin, iginiit na ang pag-aangkin ng Tsina sa South China Sea—kabilang ang mga bahagi na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas—ay paulit-ulit nang itinakwil ng mga pandaigdigang hukuman. Pinagtibay ng 2016 na desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague na walang legal na basehan ang “historical rights” na iginigiit ng Tsina, ngunit patuloy itong hindi kinikilala ng Beijing. (Gene Adsuara)