Maraming nagbigay ng tribute dahil sa ginintuang puso… Veteran actress na si VANGIE, pumanaw na sa edad 83 sa Australia
- Published on February 16, 2026
- by @peoplesbalita
MARAMING tao sa entertainment ang nagmamahal sa veteran actress na si Vangie Labalan na pumanaw sa edad na 83 noong nakaraang Feb. 12 sa Australia.
Sa Facebook ay maraming nagbigay ng tribute sa aktres, hindi lang dahil professional ito at mahusay sa drama at comedy, kundi dahil sa ginintuang puso nito.
Sa Facebook post ng kanyang anak na si Carlo Labalan, nakipaglaban si Vangie sa karamdaman noong Pebrero 12.
“To everyone who know her, love her, and was touched by her kindness, we extend our deepest gratitude. She is deeply loved and will be dearly missed by her family, friends, and all whose lives she touched.
“She will be coming home soon. Further details regarding her wake and funeral services will be shared in the coming days,” caption ni Carlo.
Na-meet at na-interview namin si Tita Vangie noong 1992 sa isang taping sa studio ng Broadcast City. Tuwing nakikita namin siya, tawag namin sa kanya ay “Aling Susie” dahil sa role na ginampanan niya sa 1989 comedy film na ‘Elvis & James.’
Maria Christina Bonghanoy Labalan ang tunay na pangalan ni Tita Vangie. Nagsimula siya bilang radio talent in 1963 hanggang pasukin na niya ag paggawa ng pelikula noong ‘80s sabay ang pagiging dubbing supervisor para sa iba’t ibang film production.
Nakatrabaho niya ang mga mahuhusay na direktor tulad nila Lino Brocka, Ishmael Bernal, Mike de Leon, Marilou Diaz-Abaya, Eddie Garcia, Maryo J. delos Reyes, Elwood Perez, Celso Ad Castillo, Chito Roño, Jose Javier Reyes, Tikoy Aguiluz, Carlos Siguion-Reyna, Mel Chionglo, Leroy Salvador, Joel Lamangan, Jeffrey Jeturian, Raymond Red, Olivia Lamasan, Peque Gallaga and Lore Reyes.
Una siyang napansin bilang ina ni Nora Aunor sa pelikulang ‘Himala’ in 1982. Napuri rin ang pagganap niya sa mga pelikulang ‘Alyas Baby Tsina’, ‘Hihintayin Kita Sa Langit’, ‘Aliwan Paradise’, at ‘Ang Manananggal sa Unit 23B.’
Naging suki siya sa mga comedy films ng Regal, Viva, Star Cinema, Seiko Films at iba’t ibang film outfits. Parating role niya ay masungit na kasera, tindera sa palengke, mayordoma, yaya at chismosang kapitbahay.
Sa TV ay huling siyang napanood sa FPJ’s Batang Quiapo at Lolong: Pangil ng Maynila.
(RUEL J. MENDOZA)