Manny Pacquiao hindi makakalaban sa Amerika?
- Published on June 15, 2022
- by @peoplesbalita
KUNG magdedesisyon si eight-division world champion Manny Pacquiao na bumalik sa boxing, posibleng mahirapan itong ganapin ang kanyang comeback fight sa Amerika.
Ito ay dahil sa kasalukuyang kaso na kinakaharap nito laban sa Paradigm Sports Management (PSM) sa Superior Court of California.
Nais ni Paradigm chief Audie Attar na bayaran ni Pacquiao ang damages nito sa ‘breach of contract’ kabilang na ang umano’y $3.3 milyong cash advance na ibinigay ng kumpanya sa Pinoy champion.
Matatandaang ipinaglaban ng PSM ang karapatan nito sa management ng laban ni Pacquiao.
Subalit bigo ang PSM na pigilan ang laban sana nina Pacquiao at Errol Spence Jr.
Hindi natuloy ang laban nina Pacquiao at Spence matapos magtamo ng injury ang huli. Naging kapalit ni Spence si Yordenis Ugas sa laban.
Natuloy ang Pacquiao-Ugas fight na napagwagian ng huli.
Matapos nito, nagpasya si Pacquiao na magretiro na upang pagtuunan ng pansin ang kanyang political career kung saan tumakbo itong pangulo sa katatapos na national elections.
Natalo si Pacquiao sa eleksiyon na napanalunan ni President-elect Bongbong Marcos.
Wala pang pormal na anunsiyo si Pacquiao kung babalik ito sa boxing.
Subalit usap-usapan na posibleng muling sumalang si Pacquiao sa laban ngunit isang exhibition match lamang ito.