Manila Zoo gagamiting bakunahan sa mga bata, seniors
- Published on January 18, 2022
- by @peoplesbalita
HABANG hindi pa ganap na binubuksan para sa publiko, gagamitin muna bilang ‘vaccination site’ para sa mga senior citizen at batang may edad 5-11 taong gulang sa pag-uumpisa ng bakunahan sa naturang age group sa unang linggo ng Pebrero.
Sinabi ni Manila City Mayor Isko Moreno na pinaka-ideal na lugar ang Manila Zoo na vaccination site dahil sa marami itong ‘open spaces’. Matapos na mabakunahan, maaaring mamasyal ang mga lolo at lola at kanilang apo sa zoo.
“So we thought, dahil sa nagre-request na mga tao sa Manila Zoo, at least magkaroon sila ng sneak peek. At marami naman na ang mapapasyalan dito – open air, maaliwalas. Double purpose pa, maipapasyal nila ang kanilang apo o ‘yung mga lolo at lola,” saad ni Moreno.
Samantala, maaari ring magpabakuna ang mga kabataang nasa edad 12-17 taong gulang sa Manila Zoo at makapamasyal na rin pagkatapos. Bubuksan ito ni Moreno sa mga residente at maging sa hindi residente ng Maynila.
Para matiyak na matutupad ang ‘physical distancing’ at iba pang ‘health protocols’, lilimitahan lamang sa 500 hanggang 1,000 indibidwal ang babakunahan sa Manila Zoo kada araw. (Gene Adsuara)