Mandatory retirement age sa senior workers, giit alisin
- Published on August 6, 2022
- by @peoplesbalita
NAIS ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na tanggalin na ang mandatory age sa pagreretiro ng mga manggagawang senior citizens sa private sector.
Isinusulong ng kanyang House Bill (HB) 3220 na i-repeal ang compulsory age na 65 anyos na itinatakda sa Labor Code of the Philippines.
Isiningit ni Ordanes sa amyenda ang “An employee who reached the age of 65 years old can choose to continue their employment provided that he qualifies under the bona fide occupational qualification of his job, the burden of prove otherwise is with the employer.”
Layon ng panukala ni Ordanes na magpatuloy sa pagtatrabaho ang mga senior citizens basta’t may kakayahan at malakas pa ang mga ito.
Ang kailangan lamang ay magpakita ang mga senior citizens ng clearance galing sa mga doktor na nagsasaad na ‘fit to work’ pa rin ang mga ito.
“Actually itong aking bill, yung mga senior citizens na kaya pang magtrabaho. Halimbawa ito yung ano eh, yung mga, yung magre-retire sa isang kumpanya pero gusto pang magtrabaho,” anang solon na sinabing lalo na kung handa pa ang employer na tanggapin at magpatuloy pa sa pagtatrabaho sa kaniyang kumpanya ang nasabing manggagawa.
Karaniwan anya na kapag sumapit sa gulang na 60 o senior citizen ay obligado o compulsory requirements na sa mga manggagawa ang magretiro na sa serbisyo.
Sinabi ni Ordanes na maraming senior citizens na kahit 65-anyos na ay malulusog pa, mabibilis mag-isip, malalakas at asset pa rin sa organisasyon.