Mambabatas, dismayado sa ginawang pag-urong sa impeachment trial ni VP Sara
- Published on June 2, 2025
- by @peoplesbalita
DISMAYADO ang isang mambabatas sa ginawang pag-urong sa impeachment trial ni Vice President Sara ngayong Lunes (Hunyo 2) sa Hunyo 11.
Sinabi ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union na ang pagkaka-delay, sa kabila na isang minor na isyu, ay nakakadismaya dala na rin sa inaasahan at preparasyon na ginawa ng kamara para dito.
“Parang may ka-date ka lang pero biglang hindi ka sinipot tapos pwede bang after one week na lang tayo lumabas? Parang ganoon eh, hindi ba? Naka-ready ka na, nakabihis ka na, tapos hindi pala tuloy yung date mo. Parang ganoon ‘yung feeling,” ani Ortega.
Ang desisyon ng senado na i-urong sa huling araw ng sesyon ay natanggap lang kamakailan.
Sinabi ni Ortega na nangangamba din sila sa magiging time constraints at posibleng scheduling conflicts sa panahon ng sine die adjournment ng 19th Congress.
“Oo nga eh, na-receive siya. Pero sabi ko nga baka naman hindi kaya masyadong ipit sa oras? Sabagay babasahin naman po ‘yun pero sabi ko nga again, it’s in the hands of the Senate. Leadership call sabi ko nga. Pero ang importante eh mabasa na po itong Articles of Impeachment at ma-receive na rin po sa Senado, call po talaga nila ‘yan,” dagdag nito.
Inaalala ng kongresista ang panahon na gugugulin para dito.
“Ang worry ko lang talaga ‘yung time element. I guess, the representative from the House, sabi ko agahan nyo na lang pumunta doon mga lunchtime siguro. ‘Yun nga lang ang conflict lang, siyempre sine die ‘di ba so may closing din sa Congress. So hati na lang sa oras,” anang mambabaras.
Gayunman, sinabi ni Ortega na wala silang magagagawa sa paliwanang na kailangang bigyan prayorida ang pagpasa ng mga nakabinbing panukalang batas.
“So sa akin lang, basta ma-accomplish na ‘yung pagbasa okay na sa akin ‘yan. ‘Yun nga lang, sabi ko, may konting delay pero ano naman tayo, optimistic pa rin tayo,” pagtatapos ni Ortega. (Vina de Guzman Guzman)