Mambabatas, bakeshop kasama sa mga fake names sa OVP confidential funds list
- Published on May 30, 2025
- by @peoplesbalita
HABANG papalapit ang makasaysayang impeachment trial sa susunod na linggo laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado, may naglabasan na namang mga panibagong mga rebelasyon sa Kamara.
Ibinunyag ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang panibagong mga bogus at kahina-hinalang pangalan na nakalista na benipesaryo sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) kabilang na ang apelyido na kahalintulad sa mga nakaupong Senador, mambabatas at sikat na bakeshop brand.
“These irregularities are too glaring to ignore — these names from supposed ‘Budol Gang’ call for a deeper look,” ani Ortega.
Ayon sa mambabatas, nasilip nila ang pangalan ng ilang indibidwal na may apelyido na kapareho ng mga senador tulad ng “Beth Revilla,” “Janice Marie Revilla,” “Diane Maple Lapid,” “John A”Clarisse Hontiveros,” “Kristine Applegate Estrada,” at “Denise Tanya Escudero” ay umano’y beneficiaries ng confidential funds.
Bukod sa “Mary Grace Piattos,” sinabi ni Ortega na may nakasaad ding “Cannor Adrian Contis,” at mga indibidwal na may apelyidong “Solon” tulad ng Kris Solon at Paul M. Solon, na kapareho sa apelyido ni Sarangani Rep. Steve Chiongbian Solon.
“Hindi lang pala si Mary Grace Piattos ang may kapangalan na café-restaurant, pati pala Contis. Kapag ba may confidential funds ang opisina mo, may sweet tooth ka din? Tapos may ‘Solon’ pa na ka-apelyido ng ating kasamahan na si congressman Steve Solon,” dagdag ni Ortega.
Sinabi pa ni Ortega na hanggang senado ay hindi rin pinalampas ng Budol Gang dala na rin sa pagkakadamay sa pangalan ng isang senador.
“Hindi nakakatawa ang paulit-ulit na paggamit ng mga pekeng pangalan na parang hinugot mula sa sine at showbiz,” pahayag ni Ortega.
Tulad sa mga lumitaw na mga pangalan, wala rin sa talaan ng birth, marriage, o death records ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa ang pangalan ng mga nabanggit. (Vina de Guzman)